Maugat, Nasugbu, Batangas: Historical Data Part II - Batangas History, Culture and Folklore Maugat, Nasugbu, Batangas: Historical Data Part II - Batangas History, Culture and Folklore

Maugat, Nasugbu, Batangas: Historical Data Part II

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.

PART II

PART I | PART II

[p. 6]

na tularan.

Nguni’t gaano man katibay pala ang moog ng pagmamahalan ng ina at anak naigugupo rin kapag ang pag-ibig ang siyang dahilan ay sapilitang magugpo. Isang araw nang ang bugtong na bunso nasa gitna ng linung at nagsasaka ay may nakita siyang isang magandang paraluman na nagkataong dumadaan. At habang binatang ito I nakatingin sa dalaga, Nakita naman pala ito ni Kupido. Kaya't isang palaso ng pag-ibig ang ibininit ang makapangyarihang bathala ng pag-ibig uhat sa kanyang busog. At ang nagliliyab na palaso ng pag ibig ay tumimo sa puso ng anak na mutya na lumikha ng maantak na sugat.

Buhat noon, palibhasa’y nasa kapusukan pa lamang ang kanyang pagbabagong tao, ang bugtong na anak ay naging alipin na ng pag ibig. Kapag-daka’y hinanap niya ang bahay ng mutyang kanyang nakita. Humingi siya ng tulong sa kanyang mga kaibigan, makilala lamang niya ang babaeng gumising sa kanyang damdamin. Dito miya ihihingi nang kaukulang panglunas sugat ng kanyang puso.

At dahil sa kahibangan niya sa pag-ibig sa mutyang nilalangit, ang pagmamahal ng anak na ito sa kanyang ina ay nalimutan na. Ang kanyang gawain ay nakaligtaan na rin. Malimit na niyang iwan ang kanyang ina na sakbibi ng lungkot at pag-aalala. Ang inaasikaso niya ay ang pangliligaw. Malimit na siya ay panauhin ng mutya niyang liyag. Ibinubulong-bulong na niya dito at matapat at wagas niyang pag-ibig. Subali’t ang dalaga naman ay naging pipi sa tawag ng pag-ibig ng binata. Ang man ang sabihin ng baguntao sa binibini ay ayaw pakinggan. Gaano man kalalim ang mga dalanging iukol ng bunsong ito sa dalaga ay ayaw rin dinggin. Sa kabila ng lahat nang iyan ay naging matiyaga pa rin ang binata. Hindi siya nag-aasawa sa pagluluhog ng matapat niyang hangarin.

Naging panata na niya sa kanyang sarili na hindi siya titigil hangga’t hindi niya napapa-ibig ang babaeng ito.

Sa kabilang dako, ang dalaga namang ito na ang puso ay kasing tigas ng batong buhay, di man lamang pansinin ang pagluluhong ng binata. Ang pagkakilala pala ng dalagang ito sa pag-ibig ay laruan lamang.

[p. 7]

Kaya’t isang araw, ang binata ay muling dumalaw sa tahanan ng dalaga. Ang sabi niya, “O mutyang paraluman, kung mayroon lamang isang anghel na nagtatala ng pag-ibig na sa lupa ay nagaganap, ay malalalaman mo kung gaano kalalim ang dalisay at tapat na pag-ibig na sa iyo ay aking iniukol.” Ang sinabing ito ng bugtong na anak na nakalimot na sa ina ay di pinansin ng dalaga. Sa halip ay ito ang sinabi, “Kung talagang tapat ka sa iyong lunggati ay kunin moa ng puso ng iyong ina at iharap sa akin, at kapag iyan ay nagawa mo ay tatamuhin mo ang aking pag-ibig.”

Sa sinabing ito ng babae ay parang baliw na sumunod ang binata. Agad siyang kumuha ng mahayap na balaraw ang binusbos ang dibdib ng ina upang kunin ang maawaing puso ng kanyang ina. Sa ganitong pangyayari, ang mabait na ina ay naisumpa ang mapusok na anak bago nalagutan ng hininga.

Habang tumatakbo ang binata na taglay ang puso ng ina ay nadapa ito. Ang mahayap na balaraw ay tumarak sa kanyang dibdib na siyang ikinamatay nito. At dahil sa antak ng sugat na nilikha ng balaraw, ang nadimlang isipan ng isang anak ay nagliwanag at nagsisi siya sa kasalanan niyang nagawa. Nguni’t bago ang kanyang pagsisisi ay nauna ang sumpa ng ina. Sa pagpanaw ng hininga ng binata ay unti-unting nagiging anyong butiki ito. Mula nang maging butiki ang binata ay agad umakyat sa kahoy ang hayop na ito. At tuwing hapon, kung inihuhudyat na ng batingaw ang orasyon ay humahalik ito sa lugal na kanyang kinadapaan at humahalik sa lupa, marahil ay upang igawad ang kanyang halik sa mapagmahal na puso ng kanyang ina.

MGA SALAWIKAIN

Hindi sukat maniwala sa mga sabi at wika,
Patag na patag man ang lupa;
Sa ilalim ay may lungga.

Ang bato man ay matigas, sa lakas ng ulan ay Sapilitang maaagnas.

Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.

Ang dalaga kung magaslaw, parang asing nakahanay,
Ibigin man ay di totohanan.

Ang magandang asal ay kaban ng yaman.

[p. 8]

Kahoy na babad sa tubig, sa apoy huwag ilalapit
Kapag nadarang ng init, sapilitang magdirikit.

Makikilala mo ang taong may bait
Sa kilos ng kamay at sabi ng bibig.

Hanggang maikli ang kumot
Magtiis kang mamaluktot.

Ang di marunong magtipon, walang hinayang magtapon.

Ang hanap sa bula, sa bula rin mawawala.

Ang kahoy hanggang malambot
Madaling maayos, nguni’t kung tumigas na at
Tumayog, mahirap na ang paghubog.

Ang pag-ilag sa kaaway ay siyang katapangang tunay.

Ang lalaking maangas, asahan mo at duwag.

Marami man ang matapang, pirming loob ang madalang.

Ang liksi at tapang ay kalansay ng buhay.

Ang hindi makipagsapalaran
Hindi makatatawid sa karagatan.

Ang bayaning masugatan, nag-iibayo ang tapang.

Ang tunay na bakal, sa apoy nasusubukan.

Pag mayroon kang puhunan, mayroon kang mapapakinabang.

Magtipon kang maaga at nang kung dumating
Ang araw ay di ka pangapa-ngapa.

Kung nagtanim kang maaga, mag-aani kang walang sala.

Pag ikaw ay naparaan, pararaanin ka naman.

Daa’y kahit lubak-lubak
Kung ang hakbang mo ay banayad
Pakiramdam mo ri’y patag.

Iba ang tinig ng daga sa tinig ng loo’t gansa.

Patay na tunay ang pusa na di sumunggab ng daga.

Kapag wala ang pusa, pista ang mga daga.

Ang pagdahak at paglura’y di sabay na nagagawa.

[p. 9]

MGA BUGTONG

Nagtanim ako ng isip sa ilalim ng tubig
Dahon ay makitid, bunga’y matutulis. – palay

Nang wala pang ginto ay noon nagpalalo
Nang magkaginto ay saka sumuko. – palay

Nagsaing si Judas, kinuha ang hugas
Itinapon ang bigas. – gata ng niyog

Maitim parang uwak, maputing parang busilak
Walang paa’y nakakalakad at sa hari’y nakikipag-usap. – sulat

Ako’y may kaibigan kasama ko saan man
Magtubig ay di malunod, mapa-apoy ay di masunog. – anino

Taring-haba, taring bilog, silid-silid ang loob. – kawayan

Guwang ang tiyan, malakas pang sisigaw. – batingaw

Hinigit ko ang bagin, nagkarahan ang matsin. – habihan

Di naman isda, di naman itik, nakakahuni kung ibig,
Maging sa kati, maging sa tubig, ang huni’y nakabubuwisit. – palaka

Tatlong magkakaibigan, magkalayong bayan
Kung magkainan ay nagkakaharapan. – ikmo, bunga, apog

Hugis puso, kulay ginto, mabango kung amoyin
Masarap kung kanin – mangga

Umupo si maitim, sinulot ni mapula
Nang malaoy kumarakara. – sinaing

Nagtanim ako ng dayap sa gitna ng dagat
Marami ang nagsihanap, isa lamang ang nagkapalad. – pagliligawan

Baka ko sa Maynila abot dito ang unga. – kulog

Sampong magkakapatid, tig-iisa ng silid
Sa isang kumot ay nagkakasukob-sukob. – suha

Pitak-pitak, silid-silid, pinto man
Ng silid ay hindi masilip. – kawayan

Isang balong malalim, puno ng patalim. – bibig

Isang prinsesa palibot ng espada. – pinya

Puno’y bumbong, daho’y paying
Bunga’y gatang, lama’y lisay. – papaya

[p. 10]

Isang prinsesa, palibot ng guwardya. – dila

Aso kong puti, inutusan kong sandali
Di na bumalik muli. – lura

Nagsaing si Patuton, sumubo ay walang gatong. – sabon, gogo

Ang dalawa’y tatlo na, ang maitim ay maputi na
Ang bakod ay lagas na. – matanda

Pantas ka man at maalam, angkan ka ng mga paham
Turan mo kung ano ang bapor natin sa katihan
Ay walang pinaglalagyan. – prinsa

Tag-ulan, tag-araw, pulos punggi ang salawal. – manok

Isang biging palay, sikip sa bahay. – ilaw

Istrimingulis magkabila ay tulis. – palay

Nanganak ang birhen, itinapon pati lampin. – saging

Manok kong pulang-pula, dumapo sa banaba
Nagpakitang ganda. – araw

Manok kong puting-puti, dumapo sa baliti
Nagpakitang giri. – buwan

Panganay ang anak, sunod ang ina
Bunso ang ama. – Sagrada Pamilya

Baboy ko sa pulo, ang balahibo’y pako. – nangka

Santol ko sa paminggalan, kukunin ko at tatalupan
Santol na ayaw patalop, nanaga ng gulok. – alimango

Halaman ko sa Marikina, malayo ang bulaklak sa bunga. – mais

Kabayo kong si Alasan, ayaw kumain kundi sasakyan. – kudkuran ng niyog

Kabayo kong magaling, nasa ilalim ang killing. – mangga

Hayop ko sa parang, malayo ang puso sa katawan. – saging

Salut kung turingan, umuubos ng kabuhayan
Kinatatakutan ng tanan, kanin mo’t malinamnam. – balang

Dalawang ibong maririkit, nagtitimbangan sa siit. – hikaw

Isang bias na kawayan, laman ay kamatayan. – baril

Dalawang bias na kawayan, nag-uunahan. – binti

PART I | PART II

Notes and references:
Transcribed from “History and Cultural Life of Maugat,” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post