Mabini, Batangas: Historical Data Part III - Batangas History, Culture and Folklore Mabini, Batangas: Historical Data Part III - Batangas History, Culture and Folklore

Mabini, Batangas: Historical Data Part III

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.

PART III

PART I | PART II | PART III

[p. 7]

noong Marso 14, 1945, ay kaaba-aba ang bayan ng Mabini. Nabuksan nga ang paaralan ng Mabini Elementary School, subali’t kulang na kulang sa mga kagamitan tulad ng pisara, mga aklat at iba pa. Hindi nalaon at ang mga ito ay nagkaroon, nguni’t kulang naman sa mga upuan ng mga batang nagsisipasok, at halos ang mga batang nag-aaral ay siyang nagdadala ng kani-kanilang upuan. Nagtitiis pa rin ang mga batang nagsisipag-aral sa sirang paaralan hanggang ngayon, liban na lamang sa bagong “Intermediate Building” na bagong pagawa noong Hunyo, 1952, at nagkakahalaga ito ng ₱9,000.00.

Ang mababang paaralan ay nangangailangan na ipabago, sapagka’t bukod sa nakuha ang mga kagamitan ay nasira pa ng bagyong nagdaan na kung tawagin ay “Typhoon Trix,” na dumaan noong Nobyembre, 1952. Malaki lalo ang naging kasiraan. Apat na pitak o silid ang napinsala, na kalumbay-lumbay pagmasdan ng sinong makakita. Kung umuulan at lumalakas ang hangin ay pumapasok sa loob ng silid. Hindi napagturuan ang silid ng unang baitang. Buhat nang lumaki ang kasiraan ng paaralang ito ay walang nilulunggati ang mga alipin na bayan at ang mga mamamayan kundi ang humingi ng tulong sa pamahalaan para mapalitan ng bago ang gusali ng mababang paaralan.

Mabini High School – Mabini Haiskul

Buhat nang magkaroon ang bayan ng Mabini ng mataas na paaralan, ay nakapagdulot ng lalong napaka-inam na panukala sa mga nagtapos sa mababang paaralan at nagnanais na mag-aral sa mataas na paaralan. At sa ganito’y sa halip na doon mag-aral sa Batangan ay mayroon ngayon na malapit at mahusay na paaralan. Gaano kahirap ang tinatamasa ng mga taga-rito kung dadayo pa sa Batangan ng pag-aaral? Gaano ang nagugugol na salapi sa mag-aaral na taga-Mabini kung umaga’t hapon ay uwian? Malaki; at kung nangangasera, ay gaano rin ang kanilang ibabayad? Yaon lamang nakaririwasa sa buhay ang nakapapagpatuloy ng pag-aaral. Maraming gustong mag-aral, subali’t nagtitiis na lamang, sapagka’t walang salaping dapat na magugol. Dahil nga sa malaking pagnanais na ang kani-kanilang mga bata ay makatapos man lamang sa mataas na paaralan, ay tumawag ng pansin ang Kg. na si R. Amurao, punongbayan ng Mabini, sa mamamayan upang ipaabot nga sa kanilang mga puso ang isang bagay na kailangan ng bayan at mamamayan. Samantalang malaki nga ang pagnanais nila, sumang-ayon sa panukala si G. R. Amurao. Inanyayahan niya ang angkan ng Solis sa Taal para magtayo ng mataas na paaralan dito, at sinabi niya na suliranin ng kanyang kababayan ang pagpapa-aral sa mataas na paaralan kung dadayo pa sa Batangan. Madaling tumugon ang mga Solis, kaya’t noong Hunyo, 1948 ay nagtatag sila at pinasukan din nang taong yaon. Marami agad ang nagsipasok.

Noong isang taon, 1952, nagbigay ang Bureau ng paaralang privado ng pagsusulit sa mga paaralang pansarili, para malaman ang kani-kanilang antas. Sa 695 na pansariling haiskul at 33,476 na mag-aaral ay nakakuha ang Mabini Haiskul ng ika-15 na pinakamataas. Ang nakuhang marka ay 100.81 kaya’t nang masuri, ang Mabini na kabilang sa paaralang ito ay nakakuha ng ika-15 puwesto sa pinakamataas.

[p. 8]

MGA BUGTONG

1. Nang maglihi’y namatay
Nang manganak nabuhay. (sinigwelas)
2. May tatlong dalagang nagsimba
Berde ang suot ng una,
Puti ang pangalawa
Ang pangatlo ay pula
Nguni’t nang magsilabas sila
Pare-parehong nakapula. (hetso, apog, at bunga)
3. Nang hawak ay patay
Nang ihagis ay nabuhay. (turumpo)
4. Naibigan pa ang basag
Kay sa buo’t walang lamat. (kamatsile)
5. Baston ni Adan
Hindi mabilang-bilan. (ulan)
6. Dahong pinagbungahan
Bungang pinagdahunan. (pinya)
7. Kung araw ay natutulog
Sa gabi’y naglilibot. (kuwago)
8. Hindi madangkal, hindi madipa
Pinagtutulungan ng lima. (karayom)
9. Dalawang mabilog
Malayo ang abot. (mga mata)
10. Isang bayabas
Pito ang butas. (Mukha)
11. Di man isda, di man itik
Nakahuhuni kung ibig. (palaka)

SALAWIKAIN

1. Di man ibigin
Huwag mong hiyain.
2. Sa marahang pangungusap
Sa puso’y nakakalunas.
3. Ang di marunong maki-ugali
Walang kabuluhang umuuwi.

[p. 9]

4. Ang bayaning masugatan
Nag-iibayo ang tapang.
5. Ang di magsapalaran
Hindi makatatawid ng karagatan.
6. Mahanga’y puring patay
Sa masamang puring buhay.
7. Ang salita ng mayabang
Kahit na tutoo’y hindi maaaring paniwalaan.
8. Walang matibay na bagin
Sa matiyagang bibitin.
9. Matalas man ang gulok mo
Pag di laging inihasa’y
Mamomorol na tutoo.
10. Ang babae sa lansangan
Gumigiring parang tandang.
11. Ang mahinhing dalaga
Sa kilos nakikilala.
12. Ang lumalakad ng marahan
Matinik man ay mababaw.
13. Ang tao ay pag nakakuha ng gusto
Ay nakalilimot ng totoo.
14. Pag ang kaibigan mo ay nangangailangan
Huwag nang antayin pang ikaw ay paki-usapan.
15. Ang kabaitan ng lahat
Mahalaga sa ginto’t pilak.
16. Mabuti sa tingin
Nakahihiring kung kanin.
17. Mabigat man ang kalap,
Kung tulong-tulong ang magkakamag-anak
Nagaan ang pagbuhat.

[p. 10]

18. Ang lihim na katapangan
Siyang pinakikinabangan.

KAUGALIAN AT GAWAIN SA PANGANGANAK

1. Kapag ang isang ina ay nanganak, ang ama ay magpapapotok ng baril or rebendator o kuwites, bilang pasasalamat at nakadaang maluwalhati sa panganganak.

2. Pag ang batang bagong anak ay nililuguan ay nilalagyan ng kuwaltang plata ang tubig upang ang bata ay mamuhay ng sagana pag lumaki na.

3. Pag ang batang bagong anak ay lalaki, ang inuman ay inilalagay sa isang tabo o baso at sinasamahan ng isang puhas na papel, isang puhas na aklat at kaputol na lapis upang ang bata ay dumunong pagtanda.

4. Kapag ang bata naman ay babae, ang inuman ay inilalagay din sa isang tabo o baso at sinasamahan naman ng kapirasong damit at isang karayum na may buhag upang ang bata ay matuto ng pananahi pagtanda.

5. Ang inunan ay ibinabaon sa balisbisan ng bahay upang ang bata ay huwag maging maginawin o sa silong ng bahay upang ang bata ay huwag maging layas.

KAUGALIAN AT MGA GAWAIN SA PAGBIGINYAG

Kapag ang bata ay naipanganak, ang mga magulang ng bata ay napili ng tao na papapag-anakin sa binyag. Kapag ang bata ay may sakit o mahina, karaniwan ay binubuhusan sa ulo at sinasabi ang salita ng pari na ginagamit sa pagbibinyag. Pagdating ng kaarawan na itinangi ng mga magulang sa pagbibinyag, ang padrina ay nagpapadala ng damit bibinyagan. Isinusuot sa bata ang damit at dinadala sa simbahan upang binyagan ng pari. Ang kaarawan ay may handaan on kainan. Bago umuwi ang nag-anak sa binyag ay nagpapakimkim sa bata ng kuwalta o nag-aayaw ng ano mang regalo para sa bata.

[p. 11]

KAUGALIAN SA PANGINGIBIG AT PAGKAKASAL

Kapag ang isang dalaga at binata ay nagkaka-ibigan, ang binata ay nanunuyo sa pamamagitan ng pag-igib,pagbayo, pangangahoy at pagreregalo ng sari-saring ikagagalak ng dalaga at kanyang mga magulang. Pag gusto na nila pakasal, ang magulang ng lalake ay nalapit sa magulang ng babae at pinag-uusapan ang kaarawan at paghahanda ng kasal. Kung minsan, ang magulang ng dalaga ay humihilang ng bilang bago dumating ang kaarawan ng kasal ay ang dalaga ay ibinibili ng damit pangkasal. Pagdating ng kaarawan ng kasal, napunta sila sa simbahan upang kasalin ng pari. Karaniwan ay may baysanan. Pagkatapos ng pagpapakain sa mga panauhin, ang nag-anak sa kasal ay naglalagay ng dalawang plato sa mesa may lamang segarilyo. Ang mga kamag-anak ng babae ay naglalagay ng kuwalta sa plato ng lalaki at ang kamag-anak ng lalaki ay naglalagay naman sa plato ng babae. Pagkatapos ng sabugan, ang kuwalta ay binabalot ng lalaki sa kanyang panyo at iniaabot sa babae. Pagkatapos noon ay ang babae ay dinadapit sa bahay ng lalaki. Karaniwan sa bukid ay ayaw sa bahay ng lalaki upang tumulong sa paglilinis.

GAWAIN AT KAUGALIAN PAG MAY NAMAMATAY

Kapag may namatay sa isang bahay, nagtitipon-tipon ang magkakamag-anak at sumasama sa paglilibing. Sa pag-aapat na araw ay nagdadasal sa bahay ng namatay. Kung bata ang namatay ay pagdadasal sa apat na araw ay may handaan. Kapag ang namatay ay matanda ay sa pasiyam na araw ay nagdadasal din. May handa sa bahay ng namatay, nagtitipon-tipon ang magkakamag-anak at nagsasalo-salo pag nakapagdasal.

MGA IRIHIYA

1. Kapag may namatay ay hindi nagpapawalis sa bakuran hanggang hindi nakakapag-siyam na araw, pagka’t para daw winawalis ang buhay ng natitira pa sa pamelia.
2. Kapag ang patay daw ay malambot, ay hindi magluluwat at mayroon pang mamamatay uli.
3. Kapag ang ilalim ng nakasigang palayok o kawali ay may apoy ay may dadating na bisita.
4. Kapag ang pusa ay naghihilamos na nakaharap sa pinto ay may dadating na bisita.

[p. 12]

5. Kapag sa pagkain ay nalaglag ang isang kutsara ay may dadating na bisitang babae; kapag ang nalaglag ay tinidor ay ang dadating ay lalaki.
6. Kapag ang kuko ng isang tao ay may markang puti sa gitna ay pagdaing ng araw ng pagpuputol ng kuko sa tapat ng puti ay ang may kanya ng kuko ay dadatnan ng regalo.

PART I | PART II | PART III

Notes and references:
Transcribed from “Historical Data of the Municipality of Mabini” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post