Mabini, Batangas: Historical Data Part II - Batangas History, Culture and Folklore Mabini, Batangas: Historical Data Part II - Batangas History, Culture and Folklore

Mabini, Batangas: Historical Data Part II

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.

PART II

PART I | PART II | PART III

[p. 3]

noong taon 1935 hanggang sa noong pumutok ang digmaan noong 1941 dito sa Pilipinas ay si I. Calangi ang umugit. Naging kapanalig niya si G. Jose de Gracia nguni’t nabigo ang huli sa kanyang hangarin. Noong taong 1941, tayo’y nasa kamay ng mga Hapones. Nang dumating sila sa bayan ng Mabini ay hindi natagpuan ang punongbayan. Ipinatawag siya at siyang inilagay rin na mamahala ng bayan. Mahigit na dalawang taon na nanungkulan si G. Calangi sa Mabini noong tag-Hapon. Nitong bumabagsik ang kapalakaran ng Hapon, si G. Calangi ay nagbitiw alalaon baga’y nangangamba siya na baka mahulog sa mga kamay ng mababangis na kaaway.

Si Ginoong Marcelo Gutierrez naman na noo’y pangalwang pangulo ang tumupad ng tungkulin na pagkapangulo ng bayan. Sinikap niyang ang bayan ay huwag mahirapan sa malupit na mga Hapon. Noong matahimik na ang bayan ay muli na namang umupo si Ginoong Indalecio Calangi. Sa pamamahala niyang ito dumating ang mga Amerikano.

Noong taong 1946, si Ginoong Manuel Roxas ay nahalal na pangulo ng Pilipinas. Ang mga pangulo sa lahat ng bayan ay pawang mga hinirang at hindi dinaan sa halalal. Kaya't’si Ginoong Rafael P. Amurao ang napiling pangulo ng bayan ng Mabini. Palibhasa’y si G. Amurao ay marunong sa pulitika ay nakuha niya ang damdamin ng nakararami sa bayan ng Mabini. Nang dumating na ang halalan ay ikinawit siya sa bandong Ilaya. Lumabas siya na punong bayan na ang kalaban niya ay si Indalecio Calangi. Umulit na halalan ay inilaban ng Ibaba si Basilio Calangi. Tinalo rin ito. Sa madali’t salita, si R. Amurao ang umugit buhat noong 1945-1947; at 1947 hanggang 1951 at inaasahan muli ng kanyang bando na mananalo sa susunod na halalan.

Sinunog

Pagkalipas ng labanan ng Kastila at Pilipino ay sumunod naman ang Amerikano at Pilipino. Taong 1899 nang sa lugal ng Hanawhanaw ay magkaroon ng labanan. Katakut-takut ang nangyari. Si Kapitan Francisco Castillo at si Kapitan Jacinto Dimaculangan ang mga namuno ng hukbo rito at sila ang nakipaghamok. Ang mga sundalong Amerikano ay pawang nangakakabayo at nangakabaril samantalang ang mga sundalo nina Kapitan Castillo at Dimaculangan ay pawang sandatahan. May ilan silang baril na napulot at nasamsam sa mga Kastila ng panahon pa ng himagsikan. Habang ang dalawang pangkat ay hindi pa nagkakapitasan ay patuloy ang kanilang pagsalakay. Kaya’t sa libis ng Hanawhanaw na ngayon ay Pulong Anahaw sila nagtagpo. Walang hanhan ang putukan. Patuloy ang kanilang pagsalakay, kaya’t sila ay napitasan ng apat na kawal. Umurong ang mga Amerikano. Humingi ng tulong sa kanilang puno na nasa Batangan. Nang dumating sa lugal na pinaglalabanan ay walang makitang kaaway nila (Kano). Sa ganitong pangyayari ay sinilab ang buong nayon. Sinunog ang balanang maibigan. Kaya’t ang lugal na iyon ay kung tawagin ay Sinunog.

[p. 4]

Mainit

Sa dakung kanluran ng Nag-iba ay isang lugal na kung tawagin ay Mainit. Mainit talaga roon. Ang halaman kung tag-araw ay pawang nangatutuyo. Walang nagbabahay sa lugal na iyon. At sa buong katutuhanan pa nito ay sa piling ng dalampasigan ay may tubig na napaka-init. Bumubulak. Pag humukay ng kaunti ay lalabas ang tubig na mainit. Maraming tao ang sumubok na kung talaga ngang mainit. Naglagay ng itlog sa tubig at sa loob ng ilang minuto ay luto agad. Marami ang nag-iiskursiyon dito para nga huwag masabihan na sa Mabini pala ay may mainit na bukal ng tubig. Sa sandaling makarating sila roon ay pawang nangagtataka. Ang sabi ng ibang nakakakita ay baka raw bulkan, nguni’t hindi, iyan ay mainit lamang.

Paaralan

Simula nang masakop ng Amerikano ang Pilipinas noong 1900 ay nagkaroon ng paaralan ang Hanawhanaw-P. Niogan. Dalawa lamang baitang sa mababang paaralan ang ipinagkaloob sa baryong ito noon. Ito’y kung tawagin ay “Pulong Niogan Barrio School.” Nakatirik sa pusod ng Pulong Niogan. Ang nasabing paaralang ito ay yaring kugon at sawaling pinagsagop. Ang nagturo rito ay si Ginoong Esteban Castillo at si Ginoong Luistro. Ilang taong nagtiis ang baryong ito sa dalawang baitang. Samantalang dumarami ang mag-aaral at nagsikip naman ang paaralan. Kaya’t nakahiling na maragdagan ang paaralan. Nahustong apat na baitang. Tuloy ang pagdami ng mag-aaral hanggang sa hindi malaman o makaya ang itinayong paaralan. Anu pa’t nagtiis ng maraming panahon ang Hanawhanaw sa kanyang naadhikang paaralan. Nang maging bayan na ay nagkaroon ng hustong baitang. Ang kauna-unahang guro na sapul nang itatag ang Mabini ay si Ginoon Anselmo Sandoval at kumuha naman ng mga guro sa ibang bayan upang sila ang magturo mula sa ika-5 hanggang sa ikapitong baitang. Ang Pulong Niogan Barrio School ay hindi na siyang pangalan kundi Mabini Elementary School. Makapal na ang nagsisipasok. Nangagka-isip na ang mga magulang sa pagpapa-aral sa kani-kanilang mga anak. Yaong malayo sa bayan ay sadyang naninirahan o nanunuluyan sa bayan para makapasok. Sumaya na nang sumaya ang bayan. Nang hindi na makaya ng Mabini Elementary School ang mag-aaral ay nagkaroon ng pagkaka-isa ang mga taga-Talaga at karatig baryo na magtayo ng paaralan doon. Hanggang paapat na baitang ang naging unang paaralan doon. Ang Anilaw ay naka-isip ding gumawa ng ganito. Kaya’t lumuwag-luwag naman sa Mabini Elementary School. Subali’t hindi rin naniig sa kanilang (Talaga at Anilaw) naipagawang paaralang iyon sapagka’t paglalipas ng apat na takbuhan sa Mabini Elementary School at doon nagpapalima.

[p. 5]

Taon-taon ay gayon ang ginagawa ng galing sa Talaga at Anilao. Buhat noong 1918 hanggang 1941, ang nagsisipagtapos ng paapat sa Talaga at Anilaw ay sa Mabini Elementary School nagsusundo ng ika-pitong baitang.

Nang masakop na tayo ng Hapones ay huminto ang paaralan at kung baga man mayroong nag-aaral ay kaunti lamang na hindi naman totoong napakinabangan. Kaya’t noong muling dumating ang mga Amerikano na mabuksan na ang mga paaralan ay gayon na lamang ang humuho sa paaralan ng Mabini Elementary School. Hindi makaya ng nasabing paaralan ang mga nagsisipasok. Sa ganito’y nagkaroon ng hustong baitang sa Talaga; sumunod ang Anilaw at pagkalipas ng dalawang taon pa’y ang Sulo naman. Ngayon, ang halos lahat ng baryo sa Mabini ay may kani-kaniyang paaralan.

Kalsada

Ang daan noong una ay hindi kamalay-malay masabi sapagka’t ang bayan ng Mabini ay bagnos-bagnos buhat sa Bawan hanggang sa Hanawhanaw. Karaniwan sa mga tao ay sa baybay Aplaya dumaraan kapag umuuwi sa Bawan o di kaya’y sakay sa kabayo na namamalibad sa bundok na patungong bayan ng Bawan. Noong maging bayan na ay utay-utay na napaganda’t napaluwang hanggang sa magkaroon ng aspalto.

Ang bahay pamahalaan, na noong bago pang tatag ang bayan ay isa lamang bahay na ang bubong ay sasa. Nguni’t napalitan na ito at naging maganda at matibay na. Ginawa ito noong taong 1935 sa pamumuno ni Julian Bautista.

Ang simbahang Katoliko ay sapul sa bayan; maganda, maayos, at matibay pa. Subali’t nang dumaan ang bagyong “Jean” noong 1947 ay nagiba, lumagpak. Magaling na lamang at sa mabuting paraan ng pare na si Padre Aquino ay naipagawang muli ito sa pamamagitan ng pagpaparipa sa ngalan ng simbahan. Kaya bago na ngayon.

Noong taong 1933, nakapagpagawa ng palengke. Ito’y katamtaman ang ganda, tibay at ayos. Ito’y hindi ang bagyong Jean ang gumiba kundi ang walang dangal na Hapones nang sila ang mamayan sa Mabini. Matagal na panahong nagtiis ang mamamayan sa palengkeng sira. Ang mga magtitinda, kung umuulan, ay nasagabalan at kung mainit ay gayon din. Kaya’t nang si Ginoong Rafael P. Amurao ay maging punongbayan ay naipagawa ng matibay at maganda pa. Ito’y malinis at hindi naman kahiya-hiya sa ibang bayan.

[p. 6]

Noong dumating ang Amerikano bilang puwatin ang pinarurusahang Pilipino sa kamay ng mga walang pusong Hapones ay umasa na ang lahat na makakaligtas sa mga sakuna at sagabal sa buhay, subali’t sa sama ng loob ng mga Amerikano, ang mga Hapones ay binumba ng bumbang panunog ang baryo ng Anilao at Mainaga na tinitirahan ng mga Hapones. Halos lahat ng bahay ay nasabing mga lugal na pawang nangasunog. Katakot-takot ang naging paghihikahos ng mga tao rito. Hindi naman nalaon nabawi ang mga nasilab na bahay sa pamamagitan ng “War Damage Commission.” Ngayo’y masalaya na at sumag-uli ang buhay ng dalawang pook.

Pulitika

Buhat pa sa pamula na maging bayan ang Hanawhanaw ay walang masasabing ligalig ang bayan ng Mabini, nang si G. Rafael Amurao ay mapalagay na punongbayan ay napakalinis. Ang bayan ng Mabini ay di tulad ng Lanao at Negros Occidental na may mga pangalan ng ibon at hayop at ang mga taong patay na marunong manghalal. Dito sa Mabini ay wala niyan. Wala rito niyong nakawan, patayank, saksakan, bonguan, dayaan, lukuhan at iba pang masasamang gawi ng tao tulad sa Maynila. Sa Maynila, marurunong at matatalino ang tao, nguni’t pag pala lampas ang karunungan at masama ay ginagagawa. Sa Mabini ay wala niyang bumabali ng laye o batas. Ang mamamayan dito ay walang dapat ipag-alala sa kanilang tahanan sapagka’t wala niyang tulisan, walang magnanakaw, walang nandarambong, walang mamamatay-tao at walang Huk. Walang nanliligalig sa magsasaka at mangingisda. Kung ang pag-uusapan ay katahimikan, kasayahan, karunungan, katalunuhan at pagkamasunurin sa ipinag-uutos ng bayan ay pinauuna ko na ang bayan ng Mabini sa lahat ng bayan, sapagka’t sa dulong silangan, ang mamamayan dito ay nagkaka-isa sa ano mang ikabubuti ng bayan. Iisa ang relihion dito. Wala ritong sungalngalan. Dito’y nagpaparaanan at nagbibigayan. Wala rin dito ang alitan kung panahon ng halalan. Dito’y walang lumalapastangan sa punongbayan, sa alagad ng batas, at sa iba pang taong-pamahalaan. Wala ditong nagiging punongbayan buhat sa simula na madaya, nagtutuwid ng liko, at liniliko ang tuwid. Dito’y ang tuwid ay tuwid, at ang liko ay tunay na liko. At papaano magkakaroon ng liko’t buktot na asal samantalang pawang masusunurin ang mga mamamayan? Kaya’t ang Mabini ay Mabini hangga’t nakatayo sa apat na sulok ng kanyang maningning na kinabukasan.

Matitipid ang mga tao rito. Sa halip na gastusin ang kuwalta sa walang kabuluhang bagay tulad ng pagsusugal, pag-iinom, ay tumitigil na lamang sa tahanan at nililingil ang paghahanap-buhay, may kakusaan sa paggawa at iba pa.

Nang ang Hapones ay manahan dito sa bayan ng Mabini ay ginawang “Headquarters” ang gusali ng mababang paaralan dito sa central. Humigit-kumulang sa dalawang taon na tumahan ang mga Hapones dito sa nasabing paaralan. Nang mabatid nilang walang itatatag sa darating na Amerikano ay kinuhang lahat ang mga kasangkapan, at iba pang mahahalagang gamit sa paaralan, tulad ng aklat, makinilya, mga kagamitan sa “shop” at kung saa’t saan nila dinala. Malaki ang naging kasiraan dito sapagka’t habang sila ay nakatira dito ay iginagatong ang mga nakuhang kasangkapan sa kanilang pagluluto. Kaya’t nang dumating dito ang mga Amerikano sa Anilao,

PART I | PART II | PART III

Notes and references:
Transcribed from “Historical Data of the Municipality of Mabini” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post