Pulang Bato, San Nicolas, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore Pulang Bato, San Nicolas, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore

Pulang Bato, San Nicolas, Batangas: Historical Data

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.

Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Pulang Bato in the Municipality of San Nicolas, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.

[Note to the reader.]

At the time when this document was created, the barrio of Pulang Bato was still a part of Taal rather than San Nicolas. The latter did not become a separate municipality until the year 1955, after the passage of Republic Act No. 1229.

[p. 1]

HISTORY AND CULTURAL LIFE OF THE BARRIO
PART ONE – HISTORY

KUNG BAKIT TINAWAG ANG NAYON NG “PULANG BATO”

Sa nayon ng Pulang Bato ay may sinasabing iba’t ibang ngalan tulad ng Binintian, Saluyan, Arumahan, Pulang Bato, Kalawit at Tuuran. Nguni’t ang tawag sa lahat ay Pulang Bato.

Simula pa noong kauna-unahang panahon at sa ngayon ang nayon ay tinatawag na Pulang Bato. Tinawag ito at pinangalanan na Pulang Bato sapagka’t sa pag-itan ng Arumahan at Silangan na patungo sa paaralan ay may nakikitang isang malaking pader na bato na nagkukulay pula. Ito’y isang mataas na bato na makikita sa tabi ng tubig. Bukod pa sa pader na batong ito ay mayroong makikitang maliit na batong mapupula na parang sinadya ang pagkakasabog sa pader. Sa itaas na ito ay may lumalagong mga punongkahoy, mga damo at sa pag-itan ng bato ay may mga lungga.

Noong panahong una ay kakaunti ang tumitirang tao sa nayong ito. Ang mga taong tumira dito ay mga mangingisda at mga magbubungkal ng lupa. Itong mga taong ito’y nagmula sa iba’t ibang nayon tulad ng Bancoro, Cubamba, at Saimsim. Sa pagkakatira nila ng matagal, sila’y nawili sapagka’t may pinagkikitaan sila. Nguni’t sa kanilang pananahimik ay may nagabisang matanda na umalis doon. Ang ibang masunuring tao ay di nagsi-alis, at ibang hindi nakinig ay hindi umalis. Pagkatapos na sila’y maabisahan, lumipas lamang ang ilang araw at dumating ang mga iba’t ibang pangitain; paglindol na malimit, at pagsama ng mga maiilap na hayop sa mababait na hayop. Sa kasamaang palad ay may ibang hindi nagsi-alis at inabot ng pagbuga ng bulkan. Ang iba’y nakapamangka at ang iba’y nangamatay. Sa mga namangkang ito, ang iba’y nangamatay rin dahil sa pagkataob ng kanilang sasakyan. Sila’y nagtilabsikan, natabunan, natamaan ng mga bato at natilabsik ng mga apoy na nanggagaling sa nasabing bulkan. Sa pangyayaring ito’y marami agad ang hindi na tumira sa nayong Pulang Bato.

Ang mga tenyenteng mababanggit buhat sa kauna-unahan hanggang sa ngayon ay ang mga sumusunod.

1. Matias Balba.
2. Leonardo Arayat.
3. Irenio de Roxas.
4. Eugenio Kalalo.
5. Emiterio Berena.

Noong panahong labanan ng Hapon at Amerikano, ang mga dating tumira sa nayon ay nangagsibalik. Nang magpapatay na ang mga Hapones sa iba’t-ibang nayon tulad ng Bancoro, Saimsim, at Maabud, sila’y nagsipunta sa nayon ng Pulang Bato. Sila’y doon nagtago upang mailibre ang kanilang buhay sa mga Hapones. Marami rin sa mga taga-siodad ang nanatili roon. Ang mga taga-siodad ay namamalit ng kamote at mga iba’t-iba pang pagkain sa pamamagitan ng kanilang mga alahas. Ang mga mag-aararo noon ay nagsipag ng pagtatanim ng mga anu-ano mang ikabubuhay. Samantalang sila’y nakakakita ng pag-asa sa kanilang kabuhayan ay ang iba’y hindi na umalis doon, kahit sa dumating ang mga Amerikano.

At noong dumating na ang mga Amerikano sa Pilipinas ay maraming bagay ang napaunlad. Ang mga bata at ang ibang matatanda ay natutong tumuntong sa ngalan ng paaralan. Ang mga bata ay pinapasok sa paaralan. At ang mga batang nakatira sa nayong ito ay doon pinapasok sa nayon ng Alas-as na may kaunting kalayuan buhat sa nasabing nayon.

Habang sila’y nakapagtatag ng mga sinasabing tenyente sa nayon, sila’y nanguna at namanhik sa bahay-bahay upang humingi ng abuloy, upang makapagpagawa ng isa mang paaralan kahit ma’t hindi tutoong kagandahan katulad ng ibang paaralan. Sa kagalingan ng nasabing tenyente sila’y nagkaroon ng paaralan.

[p. 2]

Sila’y nakapagpasok din sa nasabing paaralang itinatag nila sa nasabing nayon. Nguni’t nang dumating ang nasabing bagyo, ang kanilang paaralan ay nag-iba; hindi na ari ang kanilang paaralan. Ang ginawa ng nasa nayon ay naggawa na lamang ng isang kubol na turda at ibinitin sa mga punongkahoy upang makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga bata. Bagama’t ito’y ginawa nila, ay mahirap din sa guro at mga bata ang nasabing paaralang turda; sapagka’t naiinitan, at kung dumadaan ang pagispis ng simoy ng hangin, sila’y nangangapuwing. Pagkatapos na sila’y hindi masiyahan, ang tenyente at ang mga ibang taong may kinalaman sa pagpaparunong sa kanilang mga anak, ay ginawa nila ang lakas ng kanilang loob na makapagpatayo ng isang makisig at matibay na paaralan tulad ng sa ibang paaralan. Nguni’t bago sila humingi ng lupa ay nag-abuloy ng isang hektaryang lupa upang doon matayo ang ibabangong paaralan. Sa kanilang kahilingan sa pinagsakdalan, sila’y nagkaroon ng isang makisig na paaralan hanggang sa ngayon.

Ang mga nagpatira doon ay nangag-alaga ng mga itik at iba pang mga hayupan upang kanilang pagkunan sa bandang huli ng kanilang pagbubuhay. Ang dating ipinamana sa kanila ng matatanda ay kanila ring isinagawa. Pagbubungkal ng mga lupa, kung panahon ng pagtataniman; pangingisda, kung panahon ng isdaan.

At sa ngayon, hanggang sa rumami ng rumami ang tumira sa Pulang Bato. At tinawag itong Pulang Bato, sapagka’t may nagpapaalaala sa kanilang isang malaking pader na mapula, at sa tuwing sila’y magbubungkal ng lupa at mayroon silang nakikitang maliliit na batong may kulay pula.

Respectfully submitted by:

Gerardo de Claro

Notes and references:
Transcribed from “History and Cultural Life of the Barrio (of Pulang Bato), Taal, Batangas,” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post