Kultihan, Taal, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore Kultihan, Taal, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore

Kultihan, Taal, Batangas: Historical Data

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Kultihan in the Municipality of Taal, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[p. 1]
“KUNG BAKIT KULTIHAN ANG ITINAWAG SA NAYONG ITO.”

Sa gawing silangan ng nayon ng Bolbok, Taal, Batangan, ay may isang nayon wala pang ngalan noong panahong iyon. Sa gitna ng dalawang nayong ito’y may isang tuklong (bahay panalanginan). Sa tuklong na ito, nagdaraos ng pista ang dalawang nayong ito. Ang pista nila’y pinag-iisa na lamang upang lalong maging makulay at masaya.

Nuong una’y ang dalawang nayong ito’y nasa ilalim lamang ng pamamahala ng isang punong-nayon, o tinyente. Ang mga naninirahan sa dalawang nayong ito’y totoong nagkakasundo, at nagsunurang parang magkakapatid, kaya’t ang kanilang pagsasamahan ay kinahihilian ng kanilang mga kapit-nayon, lubha pa sa kanilang pagtutulungan sa mga gawaing pang nayon, dahil sa kalingang magpasunod nang sa kanila’y namiminuno.

Sa di inaasahang mga pangyayari ay nagkaroon ng inggitan at alitan ang dalawang nayong ito, kaya’t hinangad na ng isang nayon na humiwalay na, nang tuluyan sa nayon ng Bolbok.

Ang mga naging punong nayon dito'y ang mga sumusunod:

 1.  Celestino Carnero 5.  Silvestre Castillo
 2.  Bernabe Carnero 6.  Ignacio Banawa
 3.  Pedro Carnero 7.  Reymundo Banawa
 4.  Martin Gumapak 8.  Moises Gumapak

Ang pagsasaka lamang ang pinagkikitaan lamang ng ikinabubuhay ng mga tao rito. Dahil nga sa ang unang punong-nayon dito’y maglakbay sa iba’t ibang lalawigan noong kanyang kasibulan pa lamang, kaya’t iyong isang uri ng industriya sa lalawigan ng Bulakan, na tumawag ng kanyang pansin ay siya niyang pinagpipilitang isagawa; sa pamamagitan ng paraang sumusunod.

Siya’y nagpagawa ng apat na kuluong na may katamtamang laki na yari sa semento. Sa unang kuluong, ibinababad ng dalawa o tatlong araw ang mga balat ng kamastelis na tinadtad. Ang ikalawang kuluong ay lalagyan ng tubig upang dito hugasan ang balat nang maalis ang sin. Sa ikatlong kuluong ilalagay ang apog na tinunaw sa tubig. At dito naman sa tinunaw na apog na ito ilalagay ang balat na nahugasan na. Ang mga balat na ito’y hahaluin araw-araw. Pagkababad dito ng apat na araw ay hahanguin na at kakalusan ng balahibo’t laman nang maging maputi. Isasampay ang balat na ito sa laang sampayan upang makatulo. Ang ikaapat na kuluong ay pupunuin ng tubig. Dito naman ibababad ang mga balat na pinatulo. Pagkakalagay dito’y umaga at hapon ay gigiikin bago ilagay uli. Sa loob ng apat na araw ay ganito ang gagawin.

Hahanguin ngayon ang mga balat ng kamastelis sa unang kuluong, at ilalagay sa laang lalagyan sa may tabi ng kuluong.

Hahanguin ngayon ang lahat na balat sa ika-apat na kuluong at isa sampay sa kawayan upang makatulo.

Ang pinatulong mga balat na ito ay isa-isang ilalagay sa unang kuluong; at bawa’t isa’y papagitanan ng hinahangong balat ng kamastelis na nalalagay sa laang lalagyan sa may tabi ng kuluong. Araw-araw na hanguin ang mga balat at isasampay upang tumulo ang tubig. Bawa’t isa’y gigiikin araw-araw bago ilalagay uli sa kuluong. Pagkaraan ng labinglima o dalawampung araw ay titingnan naman kung luto na. Upang malaman kung luto na’y kinakailangang pumiraso ng kaunti. Pag hilaw pa’y itim ang hilo, at pagluto na’y puti naman.

Pag luto na’y hahanguin na sa kuluong at papatuyuin. Pag tuyo na’y iipunin at laan nang ipagbili.

Ang itinawag ng punong-nayon sa apat na kuluong na kanyang ipinagawa,

[p. 2]

ay “Kultihan.” Ang pagkalaganap ng industriyang ito’y di inaasahan. Dahil nga sa kagalingan ng pag-uugali ng unang naging punong-nayon dito, na nagngangalang Celestino Carnero ay buong-pusong niyaya niya ang tulad niyang may mapupuhunan upang sila’y magpagawa rin ng “kultihan” upang sila’y makapagkulti rin. Buong-puso ring nagpasalamat ang mga niyaya, kaya’t marami ang nagpagawa agad. Hanggang sa di lamang lahat na may kaya’y nagkaroon na ng kultihan. Nang marami ng nagkukulti ay may mga namimili na ang pumupunta doon, upang bilhin ang kanilang mga kinukulting balat.

Nang mabantug sa buong bayan na totoong mabili ang balat, ay sila’y nagpagawa rin ng kultihan hanggang sa rumami nang rumami ang nagkukulti. Buhat na nuon ay tinawag nang “Kultihan” ang nayong ito.

Magalang na ipinaiilalim sa inyong kapasyahan ng mga guro sa Kultihan.

Submitted by:

[Sgd.] Jorge Atienza

Notes and references:
Transcribed from “Kung Bakit Kultihan ang Itinawag sa Nayong Ito,” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post