Solo, Mabini, Batangas: Historical Data
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Solo in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[p. 1]
KASAYSAYAN AT KABIHASNAN NG NAYON
(History and Cultural Life of the Barrio)
Unang Bahagi – Kasaysayan
Ayon sa ilang matatandang ngayo’y nabubuhay pa, ang pangalang SOLO ay hinango sa isang salitang Tagalog na ang kahulugan ay ilaw (torch). Nguni’t mayroon namang nagsasabing ang pinagbuhatan ay ang salita ring itong ang kahulugan namay ay silaw sa liwanag (glared by light). Sapagka’t ang salitang SOLO ay marami ang kahulugan, kaya’t walang makatiyak kung alin ang likas na pinagbuhatan. Ang SOLO kapag mabilis ang bigkas ay nangangahulugan ng hindi makatitig sa ilaw o liwanag; pag ang bigkas naman ay maragsa, ang ibig sabihin ay ilaw; nguni’t kapag malumay naman ang tuod ay nagbabadya ng kahulugang nag-iisa (alone). Alin man dito sa tatlo ang pinaghanguan ng pangalang hanggang ngayo’y siya pa ring umiiral ay ipa-ubaya na natin sa takbo ng panahon, sapagka’t mayroong kuwentong noong una raw panahon, ang nayong ito ng Solo ang ibig laging salakayin ng mga tulisang dagat (pirates), nguni’t hindi matuloy-tuloy ang kanilang balak sapagka’t tuwi raw tatangkain salakayin ay laging nasisilaw sa maraming ilaw na nasa dalampasigan ng nayong ito. Sa halip na makadaong ang kanilang mga sasakyang bangka sa dalampasigan ay laging nababahura ang sasakyan sa malaking bato sa pampang sa gawing silangan at kanluran ng nayon, kaya’t sa kahulugan ng salitang Solo, nasa itaas nito ay nabanggit ay lito ang mga tao kung alin ang tunay na pamuhatan. Maaaring ilaw, at maaaring silaw sa liwanag.
Ang nayong ito ay binubuo ng siyam na sityo: Mahabang-gulod, Malagaklak, Maasim, Kanlurang Pook (kung tawagin ngayon ay Binlanlok), Solo proper, Manggahan, Looban, Hulo at Biga.
Walang makatiyak ng tunay na panahon kung kailan ito naging baryo nguni’t may nagsasabing ito raw noong kauna-unahang panahon ay nababahagi sa dalawang pook, at nang dumating ang mga Kastila at kamkamin ng mga “Encomienderos at Frailes” at mga lupain dito sa Pilipinas ay yaon rin bahaging ito ang nangyari. Ang kanlurang pook ay sakop ng bayan ng Taal at nasa pamamahala ng isang kura na si Padre Escarilla. Ang silangang bahagi naman ay sakop ng bayan ng Bauan at pinamamahalaan rin ng isang Kastilang pari na nagngangalang Padre Burabo. Dahilan sa ang nayong ito ay karatig ng Bawang kaya’t iginigiit ng mga tao na ito ay baryo ng Bawang, nguni’t palibhasa’y ang lupain dito ay pagsari ng mga tao sa Taal kaya’t ipaglalabang ito ay sakop naman ng Taal. Nagkaroon ng usapin at sa kasamaang palad para sa taga-Taal, sila ay tinalo, at buhat noon hanggang sa taong 1918, ang nayong ito ay nanatiling baryo ng Bauan. Noon namang Enero 1918 ay naging bayan ng Mabini at simula naman ng taong yaon hanggang sa kasulukuyan ay naging baryo ito ng naulitna bayan.
Ang kauna-unahang angkan na tumira dito ay ang mga tao na ang lipi ay nagmula sa Taal. Ito’y napatututuhanan sapagka’t ang mga tao ngayon dito ay may salita, ugali at himig ng pag-imik na katulad na katulad ng Taal. Ang isa pa’y ang malaking bahagi ng lupa nito ay pag-aari ng isang taong taga-Taal na si G. Adriano Yuson. Ang mga angkan ng de Chavez, Garcia, Mauro, Sawali, Luistro, Mapa, Adem, at Abarintos ay siyang mga nauunang tao na tumira dito.
[p. 2]
Ang mga naminuno sa nayong ito simula noong una hanggang ngayon ay ang mga sumusunod:
Kabisang Luscio Kabisang Esco Kabisang Valeriano de Chavez Kabisang Higidio Sawali Tenienteng Egod Mauro Tenienteng Agustin Tenienteng Terio Mauro Tenienteng Tomas Luistro Tenieneng Edo Tenienteng Anselmo Abarintos Tenienteng Ambrocio Adem Tenienteng Aguido Napa |
Tenienteng Eleuterio Napa Tenienteng Julian Abarintos Tenienteng Torcuatro Adem Tenienteng Blas Dolor Tenienteng Sinfroso Andal Tenienteng Felipe Abarintos Tenienteng Roman Mauro Tenienteng Rufo Garcia Tenienteng Marcelo Valenton Tenienteng Napoleon Abarintos Tenienteng Julian Abarintos Tenienteng Aguido Atienza |
Ang Solo sapol mula ay walang pook o sityo na pinag-iwanan ng tao sa halip na mabawasan ng tao ay lalong dumarami at lumalawak ang mga bahayan at pook.
Walang lugal ditong maaaring sabihing makasaysayan at wala rin namang mga gusali o iba pang bagay na labi ng digmaan na maaaring palatandaan ng mga magagandang kasaysayan ng ating bayan, nguni’t may mga pangyayaring mahahalaga na dapat ay isaalala ng tao. Noong panahon ng labanang Kastila-Amerikano ay naging taguan ang nayong ito ng mga insurektos. Dahil sa pangungubli rito ng mga naghihimagsik ay tuloy sinuna ang mga tao sa bayan ng San Luis. Noon namang Ika-dalawang Digmaang Pandaigdig ay naging taguan muli ang nayong ito. Dito nagsiligpit ang malaking bahagi ng mamamayan sa Mabini upang maka-iwas sa kalupitan ng mga Hapones.
Sa kasaysayan ng dalawang digmaan ay wala namang buhay na nasawi at wala ring malaking pag-aari o kabuhayan ng tao na lubhang napinsala. Simula noong liberasyon ay patuloy ang mga tao sa tahimik na pamumuhay. Ang mga mamamayan dito ay nabubuhay sa pamamagitan ng sariling pagsisikap at sila’y hindi umaasa sa ipinagkakait na tulong ng ating pamahalaan. Sa mga panahon ng tag-kagutom at sa pagdatal ng mga unos tulad ng mga bagyo at tag-ulan, ang mga tao kahit naghihirap ay hindi tumanggap ng anumang tulong o biyaya sa mga Kapisanang Kawanggawa, tulad ng Red Cross, UNRRA, atbp.
Ikalawang Bahagi – Kaugalian ng Tao
Ang mga taga-Solo ay maraming kaugalian, gawi, kilos, pamamaraan at kabihasnan sa buhay na minana noong unang panahon na mapaghanggang ngayo’y patuloy pa ring sinusunod. Ang mga magagandang ugali ay nananatiling ginagayanan at ang mga masasama naman ay pinagsusumikapan ng paaralan na lipulin at limutin ng mga tao. Marami ring pamahiin at paniniwala ang mga tao rito na magpahanggang ngayon ay hindi pa rin napapawi.
(Birth) – Sa panganganak ng tao, sila ay may matandang kaugalian na ipaubaya ang pagluluwal ng sanggol sa isang ina sa pamamagitan ng isang hilot (local midwife). May ugali silang ang pusod ng bata ay pinuputol
[p. 3]
ng isang abar (a piece of scrapped bamboo skin). Ang inunan (placenta) naman ay inilalagay sa isang tabo (dipper) na may kasamang papel at lapis, sapagka’t ang paniniwala ng mga matatanda ay kung tumanda ang bata ay matalino sa pag-aaral. Ito’y duon ibinabaon sa silong o sa tabi ng bahay na hindi naaabot ng balisbis upang huwag raw maging laging siponin ang bata. Habang ibinabaon ang inunang ito ay walang imik ang nagbabaon sapagka’t ang paniniwala nila ay hindi magiging iyakin ang bata. Ang isa namang inang babagong nakapagluwal ng sanggol ay hindi makapangliligo kundi makalipas ang isang buwan. Ang unang pangliligo ay pinabulak na tubig na may kasamang iba’t ibang ugat at dahon ng kahoy. Pagkapanligo ay sasaklaban. Ang pagsasaklab ay ginaganap sa pamamagitan ng isang mahabang kawayan na patuloy ang butas. Ito ay nakatusok sa isang sakwa ng saging sa bibig ng palyok na may gatong sa silong ng bahay. Ay usok ay siyang isinasaklab sa inang babagong nakaligo.
(Baptism) – Sa pagbibinyag ay mayroon din silang sinusunod na kaugalian. Ang bata, kung panganay, ay karaniwang ipina-aanak sa binyag sa kapatid ng mga magulang ng batang bagong silang. Kung hindi naman panganay ay karaniwang ipina-aanak sa isang taong may kaya sa buhay o sa isang may sinasabi, ‘ika nga. Naniniwala sila na ang batang bibinyagan ay karaniwang nagmamana sa ninong ng ugali. Karaniwang bago ganapin sa simbahan ang pagbibinyag ay mayroong kung tawagin ay BUHUSAN. Ang nagbubuhos ay isang piling sadyang magbubuhos na ang pamamaraan ay katulad din ng sa simbahan. Binyagan na rin kung tawagin ang bata. Sa buhusan ay may kaunting salo-salo rin, at ang lalong malaking handaan ay pag bininyagan sa simbahan.
Ang mga tao rito sa Solo ay walang maraming kwento, salaysay, paniniwala o pamahiin tungkol sa mga bundok, ilog, gubat, hayop, halaman, araw, bituin, tala at iba pang bagay na likas. Ang karaniwan lamang pamahiin nila ay kapag ang tala ay salok ng sikat ng bagong buwan ay mayroon daw binata at dalagang magtatanan. Kapag ang sinag ng buwan ay may limbo ay mag-uulanin. Kapag lumabas ang kumeta o buntala ay dadating daw ang kung hindi man tag-sagana ay tag-gutom. Ang buwan dao [daw] ay kinain ng laho kapag may eklipse. Tungkol naman sa mga hayop ay kapag ang pusa ay naghilamos ng harap sa pinto ay mayroon daw darating na panauhin. Ang manok kapag nagpulpog sa gabok at lubhang mainit ang panahon ay uulan daw. Ang aso kapag tumahol ay dumadaan daw si kamatayan, o di kaya ay nagbabalita na mayroong kamag-anak na namatay. Sa huni ng diwit (isang uri ng balang) ay may paniniwala sila na may dadating na panauhin. Pag ang ibong uwak ay humuni sa piling ng bahay, yaon daw ay masamang balita na may kamag-anak na namatay. Ang itim na paroparo kapag pumasok sa isang bahay ay nagbabalita rin na may malayong kamag-anak na namatay. Naniniwala rin ang mga tao sa mga lamang lupa gaya ng mga nono, kapre, o tigbalang.
Ang mga tao ay may pangkaraniwang aliwan noong unang panahon na ang iba ay ganap nang nalimot ng mga kabataan ngayon. Ang tao noong una ay nagsasayaw ng pandango, subli, kutang at sabalan. Ang karaniwang laro ng mga bata ay tayakar, gurumay, bugahan, taguan, piri-pirisuhan, luksong manok, tatsing ng bayag kambing at manukan. Ang
[p. 4]
mga larong ito ay hindi na ngayon umiiral sa mga bata at kabataan ng Solo, sa halip ng mga pandanggo, subli at iba pa ay ang aliwan ngayon ay ang harana, bugtungan, huwego de prenda, at paminsan-minsan sa mga katatandaan, ay mayroon ding sabalan. Ang mga bata ay nag-aaliw sa mga larong pong-pong, luksong tinik, sikyo, taguan, hilahan, sono, sipa, siklot, tirador, dama, at iba pa. Ang mga tao ay kalimitan ay na matuwain sa mga sugalan, sabong at pata. Ang mga bata ay sa tulong ng paaralan ay napipigilan sa mga aliwang masasama katulad ng mga pag-inom ng alak at pagsusugal.
Maraming salawikain at bugtungang inuuliran at aliwan ng mga tao, lalo na sa mga bata, binata at dalaga. Ang mga aliwang ito tulad ng bugtungan ay ginaganap kung mayroong bilasyon o lamayan kung tawagin. Ang mga salawikain naman ay panuntunan ng mga matatanda na sinusunod sa pagkabuhay o sa pagwawasto ng ugali ng kanilang mga anak. Ang karaniwang salawikaing malimit na bukang-bibig ng mga tao rito ay ang gaya ng mga sumusunod:
1. Hindi maalaman ang sang pitis hanggang hindi nadadaanan ng pamalis.
2. Magpakabigat-bigat man daw ng kalap, mabubuhat din pag tulong-tulong ang mag-anak.
3. Walang mataas na bakod sa taong natatakot.
4. Walang mailap na pugo sa magaling sisilo.
5. Ang mga matatanda raw ay may tinandaan.
6. Kapag may isinuksok ay may madudukot.
7. Ang mahinahong pangungusap sa puso’y nakakalunas.
8. Kung talagang tubo, matamis hanggang dulo.
9. Saan ga kakapit ang kuto kundi sa balat ng ulo.
10. Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay.
Ang mga salawikaing nasa itaas ay ilan sa mga malimit na sabihin ng matatanda kung mayroong mga batang pina-aalalahanan.
Marami ring patuturan na kalimitang ibinubugtong ng mga bata sa kapuwa nila. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
2. Baboy ko sa pulo, balahibo’y pako. (langka)
3. Kalabaw ko sa Maynila abot dito ang unga. (kulog)
4. Hindi hayop, hindi ibon, bumabalik kung itapon. (yu-yo [yoyo])
5. Kabayo kong puti, nasa puwit ang tali. (karayom na may sinulid)
6. Kabiyak na dayap, sa gubat hinanap. (batiya)
7. Bahay ni Kiring-kiring, butas-butas ang dingding. (bakid)
8. Mabilog, mapandak, ang mata’y nakadilat. (atis)
9. Hinalo ko ang linugaw, nagtakbo ang inihaw. (bangka)
[p. 5]
11. Bahay ng kalapati, iisa ang haligi. (payong)
12. Papel na berde, tintang puti, plumang bali, eskribanong bungi. (mam-in, apog, pangkalikot, at ngumanganga)
13. Dala mo’y dala ka, dala ka pa ng iyong dala. (bakya)
14. Inuga ko ang suhay, nagising ang maybahay. (kadios)
15. Hawaki ang buntot ko at ako’y susugbo. (karayom na may sinulid)
16. Bumili ako ng alipin, mataas pa sa akin. (sumbrero)
17. Dalawang pinda-pinda, magsing-lapad silang dalawa. (lupa’t langit)
18. Galing-galing na nasa tabi, nagpunta sa gitna ay napadali. (lusong)
19. Pinilot ko’t pinatigas, saka isinuot sa butas. (sinulid at karayom)
20. Umupo si itim, sinulot ni pula, lumabas si puti bubuga-buga. (palyok, apoy, at sinaing na nabulak)
Paraan sa pagsusukat ng oras at ang talaarawan:
Ang mga tao sa nayong ito ay walang mga orasan noong unang panahon. Ang pagsusukat at pagsasabi ng oras ay kalimitan ay sa pamamagitan ng araw. Kung minsan ay sa tayo ng tubig, sa tayo ng buwat at mga bituin. Wala silang talaarawan. Kung paano nila natatandaan ang mga araw ay sa sunod-sunod lamang. Malimit ay ang mga tao ay pumupunta sa mga pistahan o araw ng pamilihan sa Bawan, sa Taal, o sa pagsimba. Sa mga araw na iyon ay natatandaan nila kung Linggo at pag-uwi nila sa kanila ay natatandaan nila ang sunod-sunod.
Mayroon isang kakana o kwentong hindi tutuo, nguni’t ito’y katha lamang upang aliwin ang mga dayuhan. Ito ay ang matutunggil na kung bakit ay may butas. Noon daw una ay nagpanuwag ang kalabaw at ipas. Sa kalakasan daw ng ipas at kalabaw ay nabutas ang bato ng matutunggil.
Ikatlong Bahagi
Dito sa Solo ay walang aklat o anumang mahahalagang sinulat tungkol sa ating bayan. Wala ritong manunulat liban na lamang sa ilang mga binata na kung may inspirasyon ay nakakalikha ng tugma-tugma na ini-ukol sa kanilang dalagang nililigawan.
Respectfully submitted:
MELECIO J. AGUILA
Head Teacher