San Juan, Mabini, Batangas: Historical Data
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of San Juan in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[p. 1]
KASAYSAYAN NG NAYON
SAN JUAN
I – UNANG BAHAGI
1. Kasalukuyang pangalan ng nayon.Ang nayong SAN JUAN ay kilala ng marami sa bansag na Nag-ilong, lalong-lalo na sa mga taong tumitira sa mga karatig nayon. Nag-ilong ang unang itinawag sa nayong ito sapagka’t ang lupang sakop nito ang simula ng ungos na lupang sakop ng bayang Mabini na kung tingnan sa mapa ay hugis ilong. Ang pook na nasasakupan nito ay ang tabi ng dagat at ang mga bundok na tinatawag na Lungay.
Sa tabihan sa silangan ay ang dagat Batangan, sa ilaya ay ang nayon ng Sta. Rita, sa kanluran ay ang nayon ng Patogo (sakop ng Bauan), at sa ibaba ay ang nayong Mainaga.
[p. 2]
Wala pang maraming taong tumitira sa nayong ito noong digmaang 1896-1900 kaya’t wala ring pinsala na naganap sa nayong ito.
Noong panahon ng digmaang 1941-1945, nagkota ang mga Hapones dito. Pinalayo ang sadyang naninirahan dito at sila ang namalagi. Sinalantang mabuti ng mga kawal Hapones ang mga halaman ng mga tao. Ang mga hayop katulad ng mga baka, baboy, at manok ay pinagkukuha rin ng Hapon.
Dahil sa ipinagbabawal ng Hapon ang pagtira ng mga Pilipino dito noong panahong yaon ay isang buhay ang kanilang kinitil bunga ng di pagsunod sa kanilang utos.
Noong bawiin ang Pilipinas ng mga kawal Amerikano at ang mga girilyang Pilipino [ay] nagkaroon ng labanan sa nayong ito. Maraming tao ang napatay bukod sa mga nasugatan.
II. IKALAWANG BAHAGI
1. Ugali at karaniwang gawain ng mga tao.Ang mga tao sa nayong ito ay masisipag. Marami sa kanila ang pumupunta sa ibang lugar upang maghanap-buhay katulad ng pagdadamit. Ang lahat ng lupa ay pawang may mga halamang pinagkukunan at ikabubuhay. Kahit harap sa dagat, ilan lamang ang mga nangingisda.
Sa nayong ito ay hindi malimit ang papiyasta. Ang binyagan ay ipinaghahanda kung may kaya ang may anak. Kalimitan sa kasalan ay [may] handang tinatawag na baysanan. Dito ang gumugugol ay ang angkan ng lalaki. Kung may namamatayan naman, mayroon ding dasalang katulad ng karaniwang ginagawa sa ibang lugar. Mayroong apatang dasalan, may siyaman, at babaan ng luksa.
[p. 3]
4. Karaniwang awit.b. La Paloma
k. Ikaw, atbp.
b. Matanda na ang nuno, di pa lumiligo. (pusa)
k. Pantas ka man at bihasa, sa patuturan ay maalam ka, aling bunga ang bumulaklak, at aling bulaklak ang bumunga.
d. Aling ina ang sumuso sa anak? (dagat sa ilog)
b. Pag hangin ang itinanim, bagyo ang aanihin.
k. Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.
d. Ang bato man ay matigas, sa panay na patak ng ulan ay pilit ding maaagnas.
7. Iba pang kakana.
Ang Himala ng Mukha ng Mahal na Poon sa Bawan
Noong unang panahon, ang mukha ng mahal na Poon sa Bauan ay bigla na lamang nawala. Buong bayan ay naghanap sa nawawalang mukha. Marami ang nagsasabing ang mukha ay ninakaw ng mga taong maruruming budhi. Matagal na hinanap ang nasabing mukha subali’t hindi matagpuan. Ang mga tao ay nawalan na ng pag-asa na makita pang muli ang dating mukha.
Nalimutan na ng mga tao ang nawawalang mukha at tulad ng dati ay hinarap na ng lahat ang kani-kanilang mga gawain.
Isang araw sa dagat ng Batangas ay namukot. Maraming isda silang hinulugan. Isa’t-isa’y nag-akalang marami silang mahuhuling isda.
Itinaas ang lambat at sa pagnigilalas ng lahat ay walang isa mang isda. Wala naman silang makitang butas ng lambat na maaaring labasan ng isda.
Ang katapusang bahagi ng lambat ay itinaas at sa kanilang pagtataka ay naruon ang mukhang kanilang hinahanap, ang mukha ng mahal na Poon na walang ipinagbabago.