Saguing, Mabini, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore Saguing, Mabini, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore

Saguing, Mabini, Batangas: Historical Data

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.

Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Saguing in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.

[p. 1]

KASAYSAYAN NG NAYON
(SAGUING)

Noong panahon ng Kastila, nang ang bawa’t bayan ngayon ay wala pang mga pangalan na halos kami noon ay nasasakop pa ng bayan ng Bauan, ay ang nayong ito ang siyang kauna-unahang kinakitaan ng pulong saging ng mga tao sa nayong ito.

Kaya’t ang mga bayan-bayan ay paglalagyan ng kanya-kanyang nayon ay ang iminunkahi ng mga taga-nayon ay ang naulit na pulong halaman ang siyang maging pangalan ng nayon.

Kaya’t ang Saging mula noon at ngayon pa man ay naging opisyal at popular na pangalan.

Pagkatapos noon, na ang mga tao ay dumadami na, halos nagkaroon na ng kanya-kanyang pulotong, ay nagkaroon na ng tinatawag na pook. Ito ngayon ay binubuo ng may labing-isang pook. Ang mga pangalan nito ay hinugot din ayon sa kalikasan ng mga pook katulad ng mga sumusunod:

1. Matala – Maraming talang-tubig sapagka’t maraming bukal.
2. Duhatan – Maraming punong duhat.
3. Sampalukan – Maraming punong sampalok.
4. Tulo – May laging natulong tubig sa tabi ng agbang.
5. Katagbakan – Maraming punong tagbak.
6. Gasang – May mga gasang na bato.
7. Ligaan – May malaking punongkahoy na ang pangalan ay ligaan.
8. Balanga – Dahil sa palyok na ang pangalan ay balanga, na pag panahon ng kaisdaan ay may mga tao sa pook na ito ay balanga agad ang pinagsisig-angan ng tubig.
9. Sili – Maraming punong sili.
10. Pilahan – Maraming pilang bato.
11. Kawayanan – Maraming pulong kawayan sa loob ng pookan.

Pitsa ng Itayo ang Nayon

Ang Saguing at ang mga pook na nasasakupan ay itinayo noong panahon pa rin ng Kastila.

Pinagmulan ng mga Taong Tumitira Dito

Ang pinagmulan ng mga taong tumitira dito sa nayon, ito ay ang mga barkada ng mga Beti Villanueva, Ambrocio Baculo, Filiciano [Feliciano?] Adalia, Eleuterio Maranan, Sotero Manalo, Agustin Panopio, Rufino Escalona, Agustin Magtibay, Roque Alolod, Anastacio Alolod, Abado Bueno, Antonio Manibo, at Elalio Magtibay. Yaan ang mga taong pinagbuhatan ng mga taong naninirahan sa nayong ito. Sila ang mga kauna-unahang naghawan ng lugaring ito.

Lista ng mga Pangulo Mula Noong Unang Panahon

Ang nayon ng Saguing ay pinamiminunuan ng isang kabisa nang panahon ng Kastila, sa bawa’t kanyang panahon. Sapagka’t noon ay iilan pa ang mga tao sa nayong ito. Subali’t ang mga pook-pook ay lumalaganap na halos ang kanya-kanyang pook ay nagdadami na, ay nagkaroon na rin ng mga pangulo. Kaya’t mababasa ninyo at matatalastas ang mga pangulo at ang kanyang sakop na pook. Ito’y nang mangyari lamang ay nang nagdadami na ang mga tao sa kanya-kanyang pook.

[p. 2]

Kaya’t ito ang mga sumusunod:

1. Kabisang Biano Aspi, siya ang kabisa ng boong sakop ng Saguing. Pagkatapos ng kanyang panahon ay sumunod naman na naging kabisa ay si Kabisa Antonio MaƱibo. Ang mga sumunod naman ay sina Kabisang Anastacio Alolod at Apolinario Castillo.

Pagkatapos naman noon ay ang mga sumunod na ay ang mga teniente. Ito ang mga tinatawag na pangulo.

1. Tomas Villanueva, noong sakop pa rin ng Saguing. Isa ang mga sumunod naman naging teniente ay sina Aniceto Calangi, Agustin Panopio, Calixto Alolod, Teofilo Villanueva, Tomas Magtibay, at Victoriano Alolod. Yaan ay noong panahon pa ng tayo ay nasa Amerikano na hindi pa nagkakaroon ng ikalawang digmaan, hanggang sa dumating ang ikalawang digmaan sa Pilipinas.

Pagkatapos na tayo’y muling mapasa-Amerikano na halos tapos na rin ang digmaang pangdaigdig ay ang boong sakop ng Saguing ay nagkaroon ng ilang teniente. Sapagka’t marami na ang mga tao sa pook-pook at mabukod sa roon ay ang nayon ng Saguing ay lamang ang bundok kay sa patag. Kaya’t ang mga pookan nito ay maagwat. Ang karaniwang pookan nito ay nasa mga gulod. Kaya’t yaon pookan na malayo sa ibang gulod ay nagkaroon na rin ng kanyang pangulo.

Katulad ng Pilahan – Ito ay bundok na malayo sa ibang gulod. Ito ay nagkaroon na rin ng kanyang pangulo, na walang iba kundi si Guinoong Pablo Villanueva.

Katulad na naman ng Matala, Sampalukan, Tulo, Duhatan, si Guinoong Cosme Reyes ang siyang naging pangulo. Ang Sili, Balanga, Kayawanan ay si G. Leon Garcia na pagkatapos ng kanyang panahon ay sumunod naman ay si G. Jorge Aspi na siyang kasalukuyang naghahawak ng mga pookan. At sa pookan naman ng Gasang, Legaan, Natagbakan ay si Guinoong Pedro Grantoza mula ng liberasyon hanggang ngayon.

Kuento ng Datihang Nayon o Pook na Ngayon ay Inalsan na ng mga Tao o Kaya’y Nadagdagan

Kung tungkol sa nayon o pook na inalsan ng mga taong tumitira o kaya’y nadagdagan pa ay wala pang nangyayari dito sa nayon ng Saguing.

Makasaysayang Lugar

Kung tungkol sa nayon o pook na ito, sa bundok ng Gulugod-Baboy sa pinagsabangan ng nayon ng Saguing, Malimatoc, Solo, Bagalangit at Nag-iba ay nagtataas ng watawat o bandila ang mga kawal Amerikano. Ito’y nagpapakilala na sila ay nagwagi na sa digmaan noong panahong yaon.

Mahahalagang Pangyayari na Naganap sa Nayong Ito

Panahon ng Amerikano – Isang mahalagang pangyayari na nangyari sa nayon ng Saguing noong panahon ng Amerikano nang mga tao ay umalis at iniwan ang kanilang pamamahay. Sila ay doon tumahan sa Bolo at Sta. Maria. Walang taong tumira dito, sapagka’t ang lugar na ito ay sinuna. Sinilab ng mga Amerikano ang lahat ng bahay sa nayong ito.

[p. 3]

Mga nawasak na bahay, buhay at kabuhayan o pag-aari at gusali

Nuong mga nagdaang digmaan, lalo na noong 1896-1900, 1941-45.

Nang mga digmaan nuong panahong 1896-1900 ay maraming nalipol na buhay at nawasak na mga bahay. Halos ang mga bahay dito sa Saguing ay sinilab ng mga sundalong Amerikano.

Nuon namang magkadigmaan dito sa Pilipinas laban sa Hapon ay may ilang napatay lalo na noong ang Hapon ay namundok na, ang mga Amerikano ay nasa Nasugbu na. At ayon naman sa mga kabuhayan, gaya ng mga pagkain lalo na ang baboy, baka, manok, kamote, at balinghoy ay kinuha ng mga kawal Hapones.

Ikawalang Bahagi
Ugali at Karaniwang Gawain ng mga Tao

a. Pagbibinyag –

Naging ugali o gawain ng mga tao dito sa Saguing na ang mga batang maisilang dito sa ibabaw ng mundo ay binibinyagan muna dito sa bukid bago mabinyagan ng pari. Ito ang tinatawag na buhusan. Ang mag-anak o magulang ay umuusap ng isang matanda na may karanasan sa pagbubuhos. Kanyang binubuhusan ng tubig ang ulo ng kanyang binibinyagan. Pagkatapos na malaki-laki na ang bata o may mga isa ng taon ay dinadala ngayon sa simbahan at pabibinyagan sa pari.

b. Pag-iibigan –

Dito sa nayon ng Saguing ay nagiging ugali pa ng mga taong magkaka-ibigan ay nangangasawa ang lalaking nakaka-ibig. Ang isang binata ay kapag nakakita o natagpo ng isang babaing nagiging masarap sa kanyang sarili ay pagsasaluoban agad. Kanyang liligawin o pahahatdan ng liham upang lamang maipahayag niya ang kanyang pag-ibig. Pagkatapos na ang pag-ibig niya ay maging karapat-dapat na sa dalagang kanyang pinagtapatan ng kanyang lihim na pag-ibig ay magpapakilala ang binata sa magulang ng dalaga. Siya ay magdadala ng kahoy, kukuha ng tubig, o babayo. Ito ang tinatawag na pangangasawa.

k. Pagkakasal –

Unti-unti pang nagiging ugali ng mga tao dito na kung nagkaka-ibigan na ang isang binata’t dalaga ay sa mga magulang ng dalwang parti ay nagkakaroon ng isang pagpupulong na kung tawagin ay matandaan.

Ang magulang ng binata ay nagbibigay ng sulong o bigay-kaya sa halagang kanilang pagkakasunduan. Itong bagay kaya ay ang karaniwan ay lupa o kuarta. Sa araw ng pagkakasal ay [ang mga] magulang ng binata ay naghahanda ng pagkain at ito ang tinatawag na baysanan. Ang mga tao, lalo na ang mga kamag-anak, ay inaanyayahan. Pagkatapos ay ang bagong kasal ay kinahahandugan ng mga regalo. Karaniwan nito ay salapi o kuarta. Ito ang tinatawag na sabugan.

d. Mga Namamatay –

Ang ugali ng tao dito kapag may namamatay ay pinagdadasalan mula sa araw ng pagkamatay hanggang sa ikatatlongpong araw kung babae at apatnapong araw kung lalaki. Pagdating sa ika-siyam na araw ay pinagsisiyaman. Ito ang tinatawag na siyaman. Sa araw na yaan ay mayroong handaan kapag ang namatayan ay mayroong kakayanan. At kapag wala naman ay wala na ring handaan. At kapag dumating na naman ang pagiging isang taon na namatay ay mayroon na naman ang pagiging isang taon na namatay ay mayroon na namang handaan sa namatayan.

Notes and references:
Transcribed from “Kasaysayan ng Nayon (Saguing),” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post