Pulong Anahao, Mabini, Batangas: Historical Data
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Pulong Anahao in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[p. 1]
KASAYSAYAN NG NAYON
PULONG ANAHAO
May isang daang taon ang matuling lumipas. Buhat noon, sa kaibuturan ng bundok sa bandang kanluran ng bayan ng Mabini, ay may napadpad na maninilo ng labuyo. Sa di inaasahan, ang lalaki’y humuli ng maraming labuyo. Sa katuwaan niya’y ikinanang muli ang bitag at gumayak nang umuwi. Nguni’t bago siya umalis ay humanap siya ng madadahilan upang sa balik ay huwag siyang maligaw.
Dumating sa bahay na taglay ng lalaki ang mga manok na huli. Natuwa ang kanyang may bahay at tuloy na itinanong sa asawa kung saan siya pinalad na makahuli. Palibhasa’y may kataasan ang lugal na kaniyang pinagdakipan ay dumungaw sa bintana at itinuro sa kanyang may bahay ang lugal na kaniyang pinanggalingan. Marami palang labuyo doon, halos naitanong ng babae. Marami nga, at tuloy iniwan ko ang bitag upang balikan kong muli. Matandaan mo kaya ang lugal na iyon, muling tanong ng babae. Oo, madali kong matutuntun sapagka’t may pinagkarahilan akong malayo pa’y tanaw na. Halos natuwa-tuwa ako sa aking palatandaang yaon, sapagka’t isang uri ng halaman at pulo-pulo ang pagkakatayo. Anong halaman iyon, sambot ng babae. Sa wari ko’y yaon ang tinatawag na anahaw, sagot naman ng lalaki. Pulo nga marahil ng anahaw yaon. Ito ang naging kasaysayan ng nayong ito. Buhat noon ay Pulong Anahao ang nananatiling ngalan hanggang sa ngayon.
Ang nayon ng Pulong Anahao ay sadyang may kalawakan ang nasasakop. Tulad ng Solo at Bagalangit, ito’y malalaking nayon sipi sa Pulong Anahao. Itong dalawang nayong ito’y tulad din ng Pulong Anahao ay may kasaysayan ang pagkakaruon ng pangalan. Ang Bagalangit na nasa kaduluhang kanluran ng Mabini ay tinaguriang Bagalangit sapagka’t hindi pa nakakaabot sa lugal na ito’y ang buong akala’y nasa tabi na ng langit. Ang Solo naman ay isang nayon na bago masapit ng sino man kung manggagaling sa bayan o Anilao ay lilipas ng isang punta na harap na harap sa paglubog ng araw. Kung may kainitan ang araw sa hapon ay masyadong nakakasulo ang sinag ng araw hanggang sa sumapit sa Solo. Ito ang naging kasaysayan ng nayong ito.
Sa nayon ng Pulong Anahao ay may dalawang angkan ang kauna-unahang nanira at sila rin ang pinagmulaan ng maraming naninirahan sa nayon. Ito’y angkan ng Hernandez at Magsino. Ang mga ito ay siyang bumubuo ng walang puknat na pakikipagsapalaran sa pagpapaunlad ng nayon. Hindi naglaon at nasapit nila ang kanilang hangarin. Buhat noon, palibahasa’y may kalawakan ang nasasakop ng buong nayon ay nagtatag rin sila ng isang panguluhan upang silang mamuno at mamalakad sa ikatatahimik ng mamamayan.
[p. 2]
Ang pangulo na kauna-unahang namuno sa nayon ay kung tawagin nila’y si Kabisang Ulalio. Buhat ng panahon ng Kabisang ito’y marami rin ang sa kanya’y sumunod. Ang mga naghali-halili sa pamamalakad ng nayon na sumunod kay Kabisang Ulalio ay si Tenienteng Tano, si Tenienteng Uti, Tenienteng Pero [Pedro?], Tenienteng Syong, Tenienteng Ulo, Tenienteng Cornelio, Tenienteng Panong, Tenienteng Akoy, na nagtapos naman si Tenienteng Siso na siyang pangulo sa kasalakuyan. Ang mga ginoong ito ang nagsusunod mamuno buhat nang panahon ng Kastila hanggang sa ngayon.
Ngayong palibhasa’y ang mga nayong sakop ng Pulong Anahao ay tulad din niyang nagpapa-unlad ng kani-kanilang nayon ay nakaka-isip nang humiwalay at magtatag na ng kanilang pamunuan. Ang Bagalangit at Solo ang bumitaw sa pamunuan ng kanilang inang nayon. Sa pagkahiwalay ng dalawang ito ay may dala pang maliit na nayon ang natira. Ito’y ang nayon ng Pulang Lupa at Sinunog. Gagay [?] naman sa dalawang nayong ito, ito ang kasaysayan ng bawa’t isa.
Pulang Lupa
Mula’t sapul, Pulang Lupa na rin ang taglay niyang pangalan. Ito’y walang pangyayaring kinakunan ng ngalan liban na lamang sa lupaing kinatatayuan ng nayon. Sadyang may kapulahan ang lupa dito at kung naisipan ng taga-Pulang Lupa ang paggawa ng palyok, banga, masitira, at iba pa. Marahil ang buong Mabini ay hindi na aasa sa pagkuha ng mga gamit na ito sa ibang bayan.
Ito lamang ang naging dahilan o pinagkarahilan ng pagkakaruon ng ngalan.
Sinunog
Ang nayon ng Sinunog ay may sadyang pangyayari, isang bagay na buhat noo’y taimtim sa puso ng buong taga-Sinunog. Agbang ng kalamunding ang kauna-unahang ngalan niya. Sa nayong ito’y may isang malaking puno ng kalamunding na kinamulatan ng mga tao na malapit naman sa isang malalim na bangin. Ito ang nananatiling ngalan niya hanggang sa masadlak dito ang mga dayuhan. Itong mga dayuhang ito’y mga di binyagan na ang mithiin nila’y ang pagkakakip ng sino mang kanilang malulupig. Ang hangarin nila’y ang dugo at laman ng tao. Isang pagkakataon noon. Ang mga kalalakiha’y wala. Ang mga bata at kababaihan, bata at matatanda ang siyang mga sawing palad na nahuli ng mga Moros. Kinaladkad nila [ang mga] ito at sa pagtitilian ng mga bata ay nadinig ng mga lalaking di malayo sa kanila. Kapag daka’y buong tapang nilang hinarap ang mga Moros at sa madugo nilang pagtutugis ay naigupo nila ang mga Moros at tuloy nagapos nila ang mga sukab. Sa pangamba nilang baka kung palayain ang mga taong ito’y makabalik na naman ay pinagkaisahan nilang dalahin sa sukdulan ang buhay na mga bihag. Sa isang kaparangan ipinagagapos ang mga Moros at sa tulong ng tuyong yangit at kahoy, ang di binyaga’y sinunog ng walang awa.