Malimatoc, Mabini, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore Malimatoc, Mabini, Batangas: Historical Data - Batangas History, Culture and Folklore

Malimatoc, Mabini, Batangas: Historical Data

Historical Data graphic
Historical data from the National Library of the Philippines.

Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Malimatoc in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.

[p. 1]

KASAYSAYAN NG NAYON
(Malimatoc)

I. 1. Kasalukuyang pangalan ng nayon.

Malimatoc ang kasalukuyang pangalan ng nayong ito na nagmula sa Bundok ng Gulogod Baboy na hanggang sa tabing dagat. Ang karatig ng nayong ito sa kanluran ay Nag-iba na ang pagitan ay ang agbang ng Saluyan na paahon sa bundok. Sa ilayang-silangan naman ay nayon ng Saguing na ang pagitan ay agbang ng Katagbakan.
2. Karaniwang pangalan ng nayon at pook na nasasakupan.
Ang karaniwang pangalan ng nayong ito ay Malimatoc. Itong nayong ito ay nabubuo ng anim na pook. Ang mga pook na ito ay ang Yong-yong, Karsada, Mangga, Parang, Looban at ang kapiraso ng Matala.
3. Pitsa ng itayo ang nayon.
Ang Malimatoc at mga pook na nasasakupan ay itinayo noong panhon pa ng Kastila.
4. Pangunahing mag-anak dito sa nayon.
Sina Pulgencio Bautista, Pedro Manibo, sampu ng kanilang mga asa-asawa ang mga pangunahing mag-anak dito sa Malimatoc. Sila ang unang tao dito sa nayon. Sila ang nagbawan ng lugal na ito.
5. Lista ng mga pangulo o namuno mula noong unang panahon.
Ang nayong ito ay pinamunuan ng iba’t ibang kabisa noong panahon ng Kastila. Ngayon naman ay kung tawagin ay pangulo ng nayon. Ang mga namumunong ito ay sina Pedro Manibo, Indalicio Manibo, Crisanto Ilagan, Manuel Manigbas, Marcelo Agellion, Camelo Bautista, Narciso Asilo, Maximo Bautista, Mauricio Martinez, Venancio Manibo, Aniceto Manalo, Bruno Bueno, Andres Albo, Faustino Agillon, Sixto Dalisay, Casimero Manibo, Victorio Baculo, Leonardo Panopio, Vidal Bautista, Eduardo Bautista, Eduardo Bautista, Macario Ramos, Narciso Martinez, Filomeno Bautista, Pedro Panopio, at Tomas Agena. Ang dalawang naulit sa wakas ang kasalukuyang pangulo ngayon ng nayon.
6. Kuwento ng datihang nayon o pook na ngayon ay inalsan na ng mga tao o kaya ay bagong naging pook.
Kung tungkol sa nayon o pook na inalsan ng mga taong tumitira o kaya ay bagong naging pook ay wala pang nangyayari dito sa Malimatoc.
7. Makasaysayang lugar.
Dito sa Bundok ng Gulogod Baboy pinagsabangsabangan ng nayon ng Malimatoc, Saguing, Solo, Bagalangit, at Nag-iba nagtaas ang mga kawal Amerikano sa kanilang watawat. Ito ay pagpapakilala na sila ay nagwagi na sa digmaan noong panahong makipagbaka ang mga Pilipino sa mga Amerikano.
8. Mahahalagang pangyayari na naganap sa nayon ito.
a. Panahon ng Kastila – Bagay sa pangyayari noong panahon ng Kastila ay walang makasabi dito sa nayong ito.
b. Panahon ng Amerikano – Nang panahon ng mga Amerikano noong nagkaroon

[p. 2]

ng paaralang bayan dito. Nabuksan ang paaralang ito noong taong 1938. Mula noon ay bawa’t batang sumilang dito ay nakapag-aral at natutong bumasa at sumulat.
Nitong padalawang digmaang pangdaigdig ay sinarhan ang paaralang ito. Nabuksa muli nang taong 1945.
c. Panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig – Itong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nagkaroon ng labanan dito sa Pilipinas. Wala namang labanan sa nayong ito. Subali’t nang panahong iyon ay ang mga tao sa nayong ito ay nagsi-alis. Iniwan nila ang mga tahanan. Dahil sa malaking takot sa Hapon ay nagpunta ang iba sa Maricaban Island at ang iba naman ay sa Mindoro. Nguni’t bago nangyari ito ay itong Malimatoc ay naging ransuhan o napisan dito nang mga taong taga-nayon ng Saguing at Talaga. Sapagka’t ang mga nayong ito ay tinirahan ng Hapon. Pagkatapos naman ng digmaang naulit ay isang mahalagang pangyayari ang ginanap ng mga tao dito sa nayong ito. Sila ay nagpapiyesta bilang pasalamat sapagka’t kung bagaman at nagkaroon ng digmaan ay wala namang malaking halagang napinsala sa nayong ito. Sa sabi’t-sabi ay iyon ay pinakamalaki o pinakamasaya sa mga piyestang indinaos sa Malimatoc.
9. Mga nawasak na buhay at kabuhayan o pag-aari at gusali noong nagdaang digmaan, lalo na noong 1896-1900 at 1941-1945.

Nang magdigmaan noong panahong 1896-1900 ay maraming nalipol na buhay ng tao at marami din ang nawasak na mga bahay. Halos ang mga bahay dito sa Malimatoc ay sinilab ng mga kawal Amerikano.

Noon namang magka-digmaan dito sa Pilipinas laban sa mga Hapones ay wala namang nalilipon na buhay ng tao kung dahil lamang sa laban, subali’t ang ibang mga kabuhayan gaya ng pagkain, baboy, baka, manok, balinghoy at kamuti ay kinuha ng mga kawal Hapones.

Ikalawang Bahagi

10. Ugali at karaniwang gawain ng mga tao.

a. Pagbibinyag – Nagiging ugali na at gawain ng mga tao dito sa Malimatoc na ang mga batang nasisilang dito sa mga maliwanag ay binibinyagan muna dito sa bukid bago mabinyagan sa bayan ng kura o pari. Ito ang tinatawag na “buhusan.” Ang magulang ng bata ay nausap ng isang matandana may karanasang magbuhos. Kanilang binubuhusan at tuloy binibinyagan. Kung malaki-laki na ang bata ay dinadala sa simbahan at pinabibinyagan sa pari.

b. Pag-iibigan – Dito sa nayon ng Malimatoc ay nagiging ugali pa ng isang binatang nakaka-ibig ang nangangasawa. Nililigaw ng binata ang dalaga o pinahahatdan ng liham ang kanyang nagugustuhan. Pagkatapos na siya ay maging maligaya na o ang dalaga ay may pahintulot na ay ang binata ay nagsisimula na ng pangangasawa. Ang binata ay nagdadala ng kahoy, nakuha ng tubig at natulong sa anu mang gawain ng magulang ng dalaga.

c. Pagkakasal – Unti-unti pang nagiging ugali ng mga taga-dito na kung nagkaka-ibigan na ang isang dalaga at binata ay ang mga magulang ng dalawang parti ay nagkakaroon ng isang kapulungan. Ang mga magulang ng binata ay nagbibigay ng sulong o bigay kaya sa halagang nakilang pinagkasunduan. Itong bigay kaya ay marami ay lupa at kuarta o pilak. Ang magulang ng binata ay naghahanda ng pagkain sa araw ng pagkakasal. Ito ang tinatawag na baysanan. Ang mga tao, lalo na ang mga tunay na kamag-anak, ay inaanyayahan.

[p. 3]

Pagkatapos ay ang bagong kasal ay hinahandugan ng mga regalo. Karaniwang ibinibigay ay kuarta. Ito ang tinatawag na sabugan.

c. Pagpipiyesta – Kung sa pagpapiyesta, ang mga tao dito sa Malimatoc ay ilang nang taon nagpapapiyesta. Sila ay nagtatayo ng isang samahan. Ito ay samahan ng [mga] dalaga at binata. Ang bawa’t kasama sa samahan ay nagtatapungan sa halagang pinagkakasunduan. Karaniwang ginagawa sa pagpipiyesta ay ang pagpili ng isang dalaga na pinaka-reyna ng papiyestahan. Maraming pinalalabas sa piyesta, katulad ng mga sarsuela o dula.

d. Mga namamatay – Ang ugali ng mga tao dito sa namamatay ay pinagdadasalan mula sa araw ng pagkamatay hanggang sa ika-tatlongpung araw kung babae at kung lalaki naman ay apatnapong araw. Pagdating pa ng ika-siyam na araw ay may padasal. Kung minsan ay may anyaya sa taong nakikipagdasal. Kung dumating naman ang isang taong araw mula sa pagkamatay ay nagdadasal uli. Ito ay kung tawagin ay pagbababa ng luksa.

11. Mga alamat.

Nuong unang panahon ang langit ay napakababa na halos sumusuko ang mabababang tao.

Isang umaga ay mag-inang bumayo ng palay. Bago sila nagsimula ay kanilang isinuksok muna ang suklay dito sa langit. Sa pagbayo nila, kanilang nasungkol ang langit. Nagalit ang langit. Kumibo na at tumaas na nang tumaas hanggang sa kinatatayuan ngayon. Ang suklay ang naging buwan na siyang nakikita natin ngayon kung gabi.

12. Urasan [Orasan]

Ang araw ay siyang mahalagang bagay na nagbibigay sa kanila ng oras. Sa gabi naman ay ang tilaok ng manok ang pinakikilanlan ng oras.

Kung sa araw-araw naman at buwan ay walang ginagamit ang taga-rito kundi ang kalindaryong Tagalog ni G. Honorio Lopez.

13. Karaniwang Awit.
Ang mga binata at dalaga dito ay masayahin din. Pagpipisanpisan sila ay nagsasaya. Sila ay nagkakantahan. Ang karaniwang awit nila ay ang mga sumusunod:
1. Panaligan
2. Come What May
3. Babaying Uliran
4. Maling Akala
5. Dahil sa Iyo
14. Bugtong o di kaya ay patukuyan.
Ang mga taga-rito pag nagkapisan-pisan ay nagkakapatukuyan o bugtungan. Ang karaniwang [mga] bugtong nila ay:
1. Baboy ko sa pulo, balahibo’y pako. (langka)
2. Bahay ni Kiring-kiring, butas-butas ang dingding. (bakid)
3. Nagsaing si Katungtung, bumulak ay walang gatong. (bula ng sabon)
4. Isang butil na palay, sikip ang bahay. (ilaw)
15. Salawikain:
Ang mga tao dito sa Malimatoc ay marami ring [mga] salawikain. Ang karaniwang salawikain nila ay ang mga sumusunod:
1. Kapag may sinuksok ay may titingalain.
2. Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin.
3. Nasa tao ang gawa at nasa Diyos ang awa.

[p. 4]

4. Magpakahaba-haba [man] ng prosisyon, sa simbahan din ang urong.
5. Bahay man ay palasyo, kung natahan ay kuago
Magaling pa ang bahay kubo, kung ang natahan nama’y tao.

16. Iba pangmga Kakana.

Si Juan Matakaw

Si Juan ay isang magsasaka. May asawa siya, nguni’t wala pa lamang anak. Isang panahon, siya ay nagkaingin. Tinamnan niya ng palay. Lumago ang palay niya nguni’t madamo. Araw-araw ay pumunta siya sa bukid upang gamasan. Pinakakagalingan niya ang paggagamas. Lagi siyang basa ng pawis, nguni’t siya lamang ay may isang hinagap sa kanyang asawa. Hindi man siya dinadalhan ng anu mangpagkain habang siya ay nagtatrabaho.

Isang araw, naisip niyang gawin ang ganito.

Siya ay nanghiram ng salakot sa mga kahanggan. Dinala niya sa kaingin. Isinaklob niya sa mga tuod. Pagkatapos ay umuwi sa bahay. Sinabi niya sa asawa ito, “Tayo ay may pasaknong. Marami ang naggagamas sa ating palayan. Ikaw ay maghanda ng maipamimindal.”

Ang kanyang asawa ay bumili ng tinapay na marami. Nagluto siya ng kapi [kape]. Kanyang dinala sa gamasan. Inihanda niya sa isang lilom ng kahoy. Pagkatapos, tinawag niya si Juan.

Ang sabi ni Juan ay, “Tawagin mo ang ating mga tawong saknong.”

Tinawag nga ng asawa niya. Pagkaalis ng asawa niya, si Juan nama’y dumulog na sa hayin at sinimulan na ang pangangain ng tinapay. Naubos niya ang kanyang handa na ito ay handa sa mga sampong tao.

Dumating ang kanyang asawang galit na galit.

Ang sabi ay ito, “Napakaluko mo Juan. Sabi mo ay tayo ay may pasaknong. Gusto mo lamang palang makadali ng minindal. Napakatakaw mo.”

“Anong matakaw,” ang sagot naman ni Juan. “Kailan ka na ba nagdala rito kundi ngayon lamang?”

“O ay ano? Gusto mo ba ay araw-araw?” ang pakli naman ng asawa.

“Aba ay oo,” ang tugon naman ni Juan.

Mula noon, si Juan ay araw-araw ay sinusundan ng kanyang asawa sa gamasan ng minindalin.

Ikatong Bahagi

17. Aklat o kasulatan na pinagkikilanlan tungkol sa Pilipinas.
Kung tungkol sa aklat o kasulatan ng pinagkikitaan tungkol sa Pilipinas ay wala dito sa nayong ito noon.
18. Pangalan ng mga Pilipinong manunulat na sumilang [isinilang] o nanirahan dito sa nayon at ang ngalan ng kanilang ginawa.
Kung sa mga manunulat ay wala dito pang natubo o nanirahan sa nayon ng Malimatoc.
Notes and references:
Transcribed from “Kasaysayan ng Nayon (Malimatoc)” 1953, online at the National Library of the Philippines Digital Collections.
Next Post Previous Post