Mainaga, Mabini, Batangas: Historical Data
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Mainaga in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[p. 1]
Kasaysayan ng Nayon ng Mainaga
Kung kayo ay dadalaw sa Mabini, anong nayon ang una ninyong sasapitin? Anong nayon ang nasa hilagang-silañgan ng bayan ng Mabini?
Ito ay isang maikling kasaysayan ng nayon ng Mainaga ayon kay Ginoong Juan Magnaye na isa sa pinakamatadang naninirahan dito sa nasabing nayon.
Ang nayong ito mula’t sapul ang ñgalan ay Mainaga. Nang unang panahon ay may kahoy dito na malaki na ang ñgalan ay “naga.” Ang ñgalan ng kahoy na ito ay “narra.” Kung may nanggaling sa nayong ito ang madaling sinasabi ay galing sila sa maynaga. Sa katagalan ay ang pangalang ito ay umuwi na sa May naga. Ngayon ay kung isulat ay “Mainaga.”
Ang Mainaga ay nasa hilagang-silañgan ng bayan ng Mabini. Ito ay nalilibutan ng bundok at tubig. Sa silañgang-timog ay nalilibutan ito ng look ng Batañgan at sa hilaga at kanluran ay maliliit na bundok.
Noong panahon ng Kastila na may walongpu’t-limang taon ang nakaraan, ang Mainaga ay nasasakupan ng bayan ng Bawang (ñgayon ay Bauan) bilang isang nayon. Ang teniente del baryo ay si Ginoong Tranquilino Villanueva. Ang sumunod sa kanya ay si Ginoong Martin Cabral, sinundan ni Leon Arguelles. Ang mga tao dito ay doon sumisimba, nagbibinyag, nagpapakasal, namimili at nagbibigay ng buwis sa kanilang mga ari-arian sa bayan ng Bawang. Ang nasasakupan ng nayong ito ay ang pook ng Lugay at Nagilong. Iisa ang kanilang teniente del baryo, ñguni’t may pañgalawang teniente del baryo na nagmamakaalam sa pook ng Lugay at Magilong.
Noong Enero, taong 1918, ang nayon ng P. Niogan ay ginawang bayan at pinañgalangang Mabini. Ang Mainaga ay napahiwalay sa Bawang at dito isinama sa bayan ng Mabini. Si Ginoong Francisco Castillo ang ginawang punong bayan at si Ginoong Juan Magnaye ang ginawang teniente del baryo ng Mainaga. Ang sumunod ay si Ginoong Julio Buri. Noong naging punong bayan si Ginoong Nicolas
[p. 2]
Abarintos na humalili kay Ginoong Francisco Castillo, si Ginoong Potenciano Aseron ay lumabas na consehal para sa nayong ito, at ang ginawang teniente ay si Ginoong Liberato Aquiatan.
Dumating ang ikalawang digmaan ng daigdig. Ang mga singkit ay dumating sa Pilipinas noong ika-8 ng Disyembre, 1941. Ang nagmakaalam sa nayong ito ay si Ginoong Potenciano Aseron bilang consehal. Kung may kailangan ang mga Hapones ay siya ang nakikipag-usap.
Palibhasa’y ito ay isa lamang maliit na nayon kung kaya’t nagmula sa iilan ang taong naninirahan dito at iilan din ang bahay lalo na noong panahon ng Kastila. Karamihan sa nag-aari ng lupa dito na tinitirikan ng mga bahay ay sa mga taga bayan ng Bawang. Noong makalipas ang mga ilang taon ay nabili ng mga taga rito sa nayong ito ang mga lupang tinitirikan ng kanilang mga bahay, ñguni’t ang lupang pinagsasakahan ay marami pa rin ang sa taga-Bawang.
Mula noong maging bayan ang Mabini, ang taga Mainaga ay dito sumisimba, nagkakasal, nagpapalibing, at nagbibigay ng buwis ng kanilang ari-arian. Hindi nila iwinawaglit ang mga patakaran sa pagkakasal, pagbibinyag at paglilibing na itinuro sa kanila ng mga yumao nilang magulang noong unang panahon.
Wala ditong bahay paaralan. Ang mag-aaral dito ay doon pumapasok sa bahay paaralan ng Mabini, ñgayon ay “Mabini Central School.” Noong maging punong bayan si Ginoong Julian Bautista noong taong 1929 hanggang sa taong 1935, sinikap na magtayo ng bahay paaralan sa isang pinakamalaking bahay sa Mainaga. Ang may-ari nito ay si Ginoong Marcelino Magboo. Noong taong 1941, na dumating ang mga dayuhan, nawala ang bahay paaralang ito at sa Mabini Elementarya muling pumasok ang mga mag-aaral.
Hinulugan ng bomba at Mainaga at Lugay noong ika-3 ng Pebrero, 1945 ng sasakyang Amerikano. Walang natirang bahay dito sa Lugay at Mainaga liban
[p. 3]
na lamang sa mga lima sa bandang kanluran. Lahat ng mga kasangkapan ng bahay ay natupok ng apoy. Ang mga bahay sa Nagilong ay hindi nasunog nguni’t nasira lamang. Walang napinsalang mga tao sapagka’t sila ay pumunta at nagtago sa mga kapiling nayon: Sta. Maria, Solo, Manghinaw, Colbo at ang iba ay doon pumunta sa Lobo at Mindoro.
Muling nagbalik ang Amerikano noong taong 1945. Noong Hunyo 1945 ay si Ginoong Indalecio Calangi ang punong bayan ng Mabini. Siya ay nagbitiw ng tungkulin at hinalinhan ni Ginoong Marcelo Gutierrez na ikalawang punong bayan. Ginawang teniente del baryo si Ginoong Hermogenes Silang sa Nagilong. Sinikap ni Ginoong Felix Buendia, kasalukuyang punong guro ng Mabini noong panahong iyon, at ni Ginoong Marcelo Gutierrez ang paglalagay ng bahay paaralan sa pook ng Nagilong. Ang may-ari ng bahay na ito ay si Ginoong Hermogenes Silang. Ang mga mag-aaral sa Mainaga, Lugay at Nagilong at ilang taga-Santa Maria ay dito pumasok. Naging dalawang taon ang bahay paaralang ito.
Ang Pangulong Roxas ay lumabas na pinuno ng Pilipinas noong halalan ng taong 1946. Si Ginoong Indalecio Calangi ay tuloy na umalis sa tungkuling pagkapunong bayan at kusang inilagay ni Pangulong Roxas si Ginoong Rafael Amurao na punong bayan ng Mabini. Ang teniente del baryo ay si Eugenio Macalindol. Pagkaraan ng halalan ng taong 1946, sinikap ng mga taga-Mainaga na ang marami ay may bahay na dito sa piling ng duuñgan na magtayo ng bahay paaralan. Nakapagtayo sila at sa pamamagitan ng tulong ng P.T.A. ng isang bahay paaralan at nakabili ng lupa na halagang isang libong piso (₱1,000). Ibinigay ito sa bahay paaralan. Ang pumasok lamang dito ay taga-Mainaga at Lugay. Ang taga-Nagilong ay hindi sumama. Sa Santa Maria sila nagpapasok.
Noong lumabas si Ginoong Muñoz na delegado ng ikalawang purok ng lala-
[p. 4]
wigang Batangas, at si Ginoong Rafael Amurao na punong bayan ng Mabini noong halalan ng taong 1947, sinikap ng taga-Nagilong na humiwalay sa Mainaga at maging si ring nayon. Isinama ang pook na Lugay at ang ñgalan ñgayon ay nayon ng San Juan. Nagsikap silang magtayo ng bahay paaralan. Nagkahiwalay tuloy ang Mainaga at Nagilong.
Mula noong taong 1947 ay naging dalawa ang guro sa bahay paaralan ng Mainaga, at mula pa sa isa hanggang ikaapat na baitang ang kanilang tinuturuan. Sa pamamagitan ng tiyaga at sipag ng mga guro na sinapian ng tulong ng taong nayon ay matibay na ang bakod sa harap ng bahay paaralan, at sa tulong ng kagalang-galang na punong bayan ay nakapagpatayo ng tunay na bahay paaralan na katatapos lamang noong ika-30 ng Hunyo 1953.
Ngayon, ang Mainaga ay may tatlong purok, Pook Pagkakaisa, Pook Maligaya, at Pook handa na binubuo ng mahigit na anim na daang mamamayan.
Ang mga gawain ng mga taga-nayon ng Mainaga ay mañgisda, magsaka, maghube ng kulambo, magborda ng damit na ating ipinadadala sa Amerika. Ang iba ay nagiging dayuhan sa bayan ng Lobo at sa Mindoro upang magsaka. Maliliit ang bukirin sa nayong ito. Ang mga tao dito ay mababait, masisipag at matitiyaga sa ano mang gawain. Sa kalapitan ng bahay paaralan, lahat ay nakakabasa at nakakasulat maliban na lamang sa ilang matatanda na umabot pa ng panahon ng Kastila.
Ito ang salawikain ng mga tao sa nayong ito, “Ang kakanin ay sa pawis kunin.”
Prepared by:
(Mrs.) Josefa R. Panopio