Mabini, Batangas: Historical Data Part I
PART I
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[Cover page.]
DIVISION OF BATANGAS
DISTRICT OF ALITAGTAG
MABINI ELEMENTARY SCHOOL
HISTORICAL DATA OF THE
MUNICIPALITY OF MABINI
[Preface.]
PANGUNANG SALITA
______________________________
Kung may tahimik na bayan sa lalawigan ng Batangan ay wala nang uuna sa bayan ng Mabini. Ang bayang ito ay nasa timog kanluran ng lalawigan. Ito’y halos palibot ng mabababang bundok at ang mga bundok na ito ay halos palibot ng dagat. Ang sino mang maglakbay sa bayang ito ay nabubusog ang mga mata sa magagandang tanawin. Kung maglayag naman sa dagat na nasasakupan ng Mabini ay walang sayang masisiyahan sa mga paligid na bigay ng kalikasan.
Itong kasaysayan ng Mabini ay naisagawa sa pamamagitan ng mga gurong nagsumikap, nagpagod, at hindi nag-aksaya ng panahon sa paghahanap ng mga katunayan, katotohanan, saksi at katibayan ng kasaysayang ito. Ang mga gurong nakatala sa mababa ay siyang dapat pag-ukulan ng pansin dahilan sa kanilang pagkakapagod: Central – Andres Garcia, Conrado Y. Gutierrez, Francisco G. Sandoval, Miguela B. Calangi, Aniceta P. Jusi, Epifanio B. Sandoval at Anastacio P. Chavez; Talaga – Bernardo A. Ilagan, Maximino G. Reyes; San Juan – Crispulo Sandoval; Mainaga – Josefa R. Panopio; Anilao – Tomas B. Ramirez,, Emiliano R. Mationg, Lorenza Medrano, Leodigaria Belino, Fortunata Reyes at Gliceria Dimaapi; Pulong Anahao – Sergio Panopio; Bagalangit – Jose Abante at Diego Abante; Solo – Melecio J. Aguila at Cayetano Aguila; Saguing – Simeon Garcia, Mamerto Panopio at Modesto Castillo; Malimatoc – Jorge Panopio at Aurelia Panopio; Nag-iba – Laureano Panopio, Gaudencio Sandoval at Nemesia Villanueva.
Ang mga ginoong nakatala sa mababa nito ay siyang dapat pagka-utangan ng loob dahilan sa mga mahahalagang bagay na kanilang ibinigay sa mga gurong nagsiliapit sa kanila na siyang pinagbatayan ng tunay na kasaysayan ng Mabini: Mayor Rafael P. Amurao, Ex-Mayor Julian Bautista, Ex-Vice Mayor Jorge Calangi, Zoilo Evangelista, Silverio Sandoval, Arsenio Villanueva, Alipio Abarintos, Julian Abarintos, Indalicio Calangi, Felix de Torres, Geminiano Beloso, Lino Garcia, Graciano de los Reyes, Julian Castillo, Nicomedes Guia, Vicente Panopio, Marcos Medrano, Epifanio B. Sandoval, Ex-Mayor Nicolas Abarintos, Donato Panopio, Eduardo Espiritu Santo, at Martina Castillo.
At ang kasaysayang ito ay siyang nagsasaad ng mga katunayan at pangyayari ukol sa Bayan ng Mabini.
Principal
[Table of contents.]
2. Talaga
3. Anilao
4. San Juan
5. Mainaga
6. Pulong Anahao
7. Saguing
8. Malimatoc
9. Nagiba
10. Solo
11. Bagalangit
[p. 1]
KASAYSAYAN NG BAYAN NG MABINI
Ang Mabini ay isang lugal na nasa kanluran ng bayan ng Bawan. Siya’y kasalukuyang nagsasabog ng ningning sa lalawigan ng Batangan, at sa kanyang tanglaw ay dahan-dahang hinahawi ang maiiitim na lambong na tumatakip sa kapalaran ng bayan. Nabubuhay ang bayang ito sa laman ng lupa na binubungkal ng mga magsasaka at isdang dinarakip ng may mga palkaya. Ang bayang ito ay hinugot sa ating bantog na tagapagtanggol sa bayang Pilipinas ng panahon ng himagsikan na si Apolinario Mabini.
Hanawhanaw – Pulong Niogan
Noong panahong una, ang bayang ito ay tinatawag na Hanawhanaw-Pulong Niogan. Ito’y malaking gubat na pinamumugaran ng mababangis na hayop at masusungit na Moros. Walang binyagang tao na tumitira rito buhat noon 1700 hanggang 1800 dantaon. Tinatawag na Hanawhanaw sapagka’t ang buong kagubatan ay pulos anahaw – kahoy na batbat ng tinik ang katawan. Pulong Niogan ang tawag sapagka’t ang karatig ay kaniyuganan. Kaya ang lugal na ito ay kung tawagin noong una ay Hanawhanaw-Pulong Niogan. Ito’y binubuo ng mga sumusunod na nayon: Isla ng Marikaban, Tingloy, Mainaga, Talaga, Anahaw, Silo, Bagalangit, Nag-iba, Pulong Balibaguhan, Malimatoc, Saging, at San Huwan. Habang lumalakad ang panahon ay nagkaka-isip naman ang tao. At sa ganito’y utay-utay na nabubuksan ang lugal o kagubatan ng Hanawhanaw-P. Niogan, hanggang sa mabuksan at mahawanan ang lugal. Sa pagsisikap ng mga tao sa una, ang nasabing lugal ay unti-unting umunlad hanggang sa ito’y naging bayan. Noong marami nang mga tao ay naka-isip na magsarile sapagka’t bukod sa rito ay talagang may kalayuan sa kanyang bayan ng Bawan. Hindi nga nalaon at ang kanyang mithi’t lunggati sa pagsasarili ay nakamtan, naisatugatog ng tagumpay. Nakamtan ang tunay na mithiin noong Inero 1, 1918. Pagkalipas ng dalawang taon, ang pulo ng Marikaban at Tingloy na dati-rati’y nasa kasaysayan ng Hanawhanaw-P. Niogan ay humiwalay at sumama sa datihan niyang bayan – bayan ng Bawan. Kaya ngayon, ang bayan ng Mabini ay nabubuo lamang ng labindalawang nayon at ang mga ito’y: P. Niogan, Anahao, P. Balibaguhan, Talaga, Anilaw, Mainaga, Nag-iba, Bagalangit, Solo, Malimatok, Saging at San Juan.
Ang mga nagtatag ng bayan ng Mabini ay ang tanyag na mga lalaking sadyang tubo ng Hanawhanaw-P. Niogan at sila’y tumutugon sa mga pangalang Pedro Ortega, Nicolas Casapao, Benito Calangi, Tomas Castillo, Epifanio Abrigonda, Tomas Villanueva, Nicomedes Guia, Nicolas Abarintos, Cipriano Panopio, Juan Dolor, Vicente Panoptio at Esteban Castillo.
[p. 2]
Ang nagbigay-loob ng lupa na pinagtatayuan ng bahay-pamahalaan ng Mabini ay si Pedro Leynes; ang lupang simbahan ay iniabuloy ni ginoong Tomas Castillo; ang lupang palengke naman ay kay Hilaria Castillo, at ang lupang libingan naman ay sa pangalan ni Epifanio Abrigonda. Kaya’t nang ang mga taong ito ay makapaghandog ng tunay na kailangan ng isang bayan ay naitatag ang kanilang mithi.
Si Don Francisco Castillo na noong hindi pa naitatag ang bayan ng Mabini ay tanyag hindi lamang sa kanyang salapi kundi sa pagiging kapitan ng hukbo ng Hanawhanaw, na nakipaglaban sa mga kawal Amerikano. Nagpakilala si Don Francisco Castillo ng damdaming makabayan at kagitingan, kaya’t siya ang pang-unang tumanggap na pagkapunong-bayan ng Mabini. Ang pangsamantalang katulungin ni Don Castillo ay si Marceliano Castillo. Sina Tomas Castillo, Alberto Pulhin, Epifanio Abrigonda, Fermin Buenviaje, Cipriano Buenviaje, Pedro Manalo, Venancio Castillo at Nicomedes Guia ang mga konsehal. Ang huwes ay si Ginoong Tomas Cuevas; taga-ingatyaman, Jose Generoso; Kalihim, Romualdo Robles; puno ng alagad ng batas, Lino Garcia.
Matimawa ang bayan sa ilalim ng mga taga-pamahalang ito. Sa padalawang taon (1918-1920) na nakaupo si Don Castillo ay nagkaroon ng halalan. Inilaban ng bandong Ibaba si Ginoong Indalecio Calangi at sa panig ng Ilaya ay si Don Francisco Castillo na nakaupo. Nahalal si F. Castillo. Tatlong taon siyang umupo at humawak ng ugit ng pamahalaan ng Mabini. Noong 1923 na nagkaroon ng halalan ay lumabang muli si G. Indalecio Calangi. Tinalo si Don Francisco Castillo sa labanang ito subali’t noong bilanging muli ang mga balota sa Hukuman ng Unang Dulugan ng Batangan, ay may panalo pang walong boto si Don Castillo. Noong sumunod na halalan ay lumaban ang pangalwang pangulo na si Nicolas Abarintos kay I. Calangi. Nagtagumpay si Nicolas Abarintos. Nguni’t sa kanyang pagkapamahala ay walang gasinong nai-unlad ang bayan. Si Ginoong Julian Bautista ang lumaban naman sa panig ng bandong Ilaya. Si Nicolas Abarintos ay hindi na napamungkahi sapagka’t nagkaroon ng pangamba na hindi rin lalabas. Si I. Calangi ang nakipaglaban. Dahil sa si J. Bautista ay may magandang kinabukasan nang panahong siya’y tumuntong sa pulitika, nanalo siya. Siya ang pinili ng bayan. Tatlong taon siyang nanungkulan nang walang masabi ang mamamayan. Noong 1932 ay naghalalan na naman. Si I. Calangi at si J. Bautista ang magkapanangal. Napili na naman si J. Bautista. Samakatuwid, namahala siya sa bayan ng Mabini buhat noong 1929-1932 at 1931 hanggang 1935.
Noong 1935 ay nagkaroon ng halalang muli. Ang magkalaban ay si J. Bautista at I. Calangi. Hindi akalain ng mga tao na si J. Bautista ay talunin ayon sa kanyang naisagawa na. Datapwa’t walang magagawa ang naging kapanalig ay matandang tali na bukod sa may karanasan na ay mayaman pa. Sa madaling sabi, si I. Calangi ang nanalo. Si G. Bautista ay nanarile na ng tutuhanan. At buhat