Bagalangit, Mabini, Batangas: Historical Data
Full transcription of the so-called “Historical Data” for the barrio of Bagalangit in the Municipality of Mabini, Batangas, the original scanned documents at the National Library of the Philippines Digital Collections not having OCR or optical character recognition properties. This transcription has been edited for grammar, spelling and punctuation where possible. The original pagination is provided for citation purposes.
[p. 1]
KASAYSAYAN NG NAYON
BAGALANGIT
I – UNANG BAHAGI
1. Kasalukuyang pangalan ng ngayon.
Ang mga taga rito sa nayong ito ay mga religioso kaya’t ang pinili nilang pangalan sa kanilang nayon ay BAGALANGIT, isang ngalan na nakakapang-akit sa mga tao.
2. Karaniwang pangalan ng nayon at pook na nasasakupan.
Ang nayong BAGALANGIT ay kilala ng marami lalong-lalo na ang mga taong tumitira sa mga karatig nayon. Ang mga pook na nasasakupan nito ay ang tabi ng dagat at ang mga bundok na tinatawag na Panay.
Ang tabihan sa silangan ay ang nayon ng Nag-iba, sa ilaya ay ang nayon ng P. Anahao, sa kanluran ay ang dagat at sa ibaba ay ang nayon ng Nag-iba din.
3. Pitsa nang itayo ang nayon.
Mula nang maging bayan ang Mabini, ang Bagalangit ay isang pook na mula’t sapul ay Bagalangit.
4. Pangunahing mga anak dito sa nayon.
Ang pangunahing anak dito sa nayong ito ay sina Andres Abrigonda, Doroteo Medina, Epifanio Abrigonda, Julio Abante, at Serafin Medina.
5. Lista ng mga pangulo o namumuno mula noong unang panahon.
Sapagka’t hindi pa nalalaman ay ang pagkakatatag ng nayong ito, ang namumuno namusision hanggang nayon ay si G. Alberto Canson.
6. Kuwento ng dating nayon.
Noong unang panahon, ang nayong ito ay walang paaralan, at ang mga batang pumapasok ay sa bayan ng Mabini pumupunta. Noong 1936, ang mga taong nayon ay nagka-isang humingi ng pitisyon sa mga kinauukulan upang magkaroon sila ng paaralan. Ang pitisyon ay pinagbigyan at ang mga taong nayon ay nagtulong-tulong upang magtayo ng isang munting paaralang pasukan ng kanilang mga anak. Humingi sila ng isang guro. Dalawang taon ang lumipas. Ang munting paaralang ito ay pinalitan ng isang kainaman ang laki na hanggang ngayon ay nakatayo pa sapagka’t dumadami na ang mga bata.
7. Makasaysayang lugar.
Ang boong nayon ay makasaysayan sapagka’t makikita dito ang iba’t-ibang uri ng mga halamang napagkukunan ng mga tao ng kanilang ikabubuhay. May dagat silang napapangisdaan, may malapad na lupang mapapagtamnan at sari-saring halaman. Ang nayong ito ay nangunguna sa dami ng saging at sinturis at balinghoy.
[p. 2]
8. Mahalagang pangyayari na naganap sa nayong ito –
Noong panahon ng digmaan (1941-45), ang Bagalangit ay hindi nararating ng mga kawal Hapones. Halos ang mga tao sa bayan ay dito nagtago. Marami sa nagtago sa nayong itio ay walang dalang pagkain, sapagka’t wala na silang lugal na makapagdala pa. Sapagka’t ang nayong ito ay sagana sa mga iba’t-ibang uri ng halaman, ang mga taong bayan ay dito na humanap ng kanilang ikinabubuhay hanggang sa matapos ang digmaan.
9. Mga nawasak na buhay at kabuhayan o pag-aari at gusali noong nagdaang digmaan (1896-1900 at 1941-1945) –
Noong digmaang 1896-1900, ang mga tao sa nayong ito ay pinaalis ng mga Kastila. Ang mga tao ay pinapunta sa bayan ng Bauan. Ang mga hayop tulad ng mga baka, baboy at manok ay pinagkukuha ng mga Kastila. Ang bahay ay sinilab na lahat at iba pang mga ari-arian ang kinuha nila. Ang taong makita nila ay pinapatay. Nagkaroon din ng kaunting labanan ang nayong ito.
Noong panahon ng digmaang 1941-1945 ay walang napinsala sa nayong ito. May nakarating ding ilang kawal Hapones nguni’t hindi sila tumagal sapagka’t mapanganib ang kanilang tayo. Hindi nagkaroon ng kahit kaunting labanan sa nayong ito at halos dito nagtago ang mga taong nagbuhat sa iba’t ibang bayan.
II – IKALAWANG BAHAGI
1. Ugali at karaniwang gawain ng mga tao –
Ang mga tao sa nayong ito ay masipag. Ang lahat ng lupa ay pawang may mga halamang pinagkukunan ng ikabubuhay. Marami sa kanila ang nangingisda, sapagka’t malapit sila sa dagat.
Sa nayong ito ay hindi nagpipista. Kung Ondras, si G. Epifanio Abrigonda ay nagpapatay ng baboy o baka at kinukumbida ang lahat ng mga tao sa nayon. Ang binyagan ay ipinaghahanda rin kung may kaya ang may anak. Sa kasalan ay naghahanda rin at ang gumugugol ay ang angkan ng lalaki. Kung may namamatayan naman, mayroon ding dasalan na tulad ng karaniwang ginagawa sa ibang lugal. Mayroong apatang dasalan, siyaman at babaan luksa.
2. Mga alamat –
Noong unang panahong wala pang nakakakilala sa nayong ito, ay may mga ibang taong nakarating dito. Hindi nila malaman kung anong ngalan ng lugal ang kanilang narating. Sapagaka’t katanghalian nang sila ay maparaan dito, ay noong sila ay nag-aahon sa bundok ay hindi sila makatagal ng pag-ahon sapagka’t ang pakilasa nila sa kanilang katawan ay baga sa kainitan. Nang sila ay makatapos ng pag-aahon sa bundok ay nakarating sila sa isang patag na malamig ang simoy ng hangin. Nawili sila, at lagi silang nakamasid sa nagliliparang mga paru-paro at bubuyog. Naririnig nila ang magandang awit ng mga ibon. Ang isa sa kanilang magkakasama ay hindi umalis sa lugal na ito at ang sabi ay para siyang nakarating sa langit. Mula noon ang itinawag sa bundok na ito ay Bagalangit.
3. Urasan –
Karaniwang ginagamit ng mga tao ang relos upang tingnan ang
[This historical data appears to be missing its concluding page.]